CAVITE – Swak sa kulungan ang dalawang construction workers nang maaktuhan habang umiiskor ng marijuana sa loob ng barracks ng construction site sa Gen. Trias City noong Huwebes ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article II, Section 13 at 15 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Saijean” at “Dennis”.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:30 ng gabi nang makatanggap ang Section 3 Mobile Patrol ng tawag hinggil sa dalawang construction worker na humihithit ng marijuana sa loob ng kanilang barracks sa Devex Construction sa Brgy. Pasong Camachile 2, Gen. Trias City, Cavite.
Nang respondehan ng mga awtoridad, naaktuhan ang dalawa na humihithit ng marijuana at nakumpiska mula sa mga ito ang isang foil strip na naglalaman ng hinihinalang marijuana, rolled fail strip na ginagamit na tooter at lighter.
Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng Gen. Trias Component City Police Station.
(SIGFRED ADSUARA)
