TINIYAK ng Philippine National Police na higit pa nilang palalakasin ang operasyon laban sa street-level crimes matapos maaresto ang dalawang suspek sa pagpatay sa tatlong cellphone technicians sa Cagayan.
Sa pinaigting na kampanya laban sa mga krimen sa lansangan, ay na-recover sa operasyon ang ilang baril, bala, at tactical gear.
Ayon kay PNP chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa pinaigting na laban kontra street crimes ay mahalaga ang tiwala at pakikipagtulungan ng komunidad para sa mabilis na pagresolba ng kaso.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Nartatez, ang pagkakaaresto sa dalawang suspek sa kaso ng pagnanakaw at pagpatay sa tatlong cellphone technicians sa Cagayan, ay nagpapakita ng mas matibay na intelligence-driven operations sa antas ng komunidad at ng pangako ng pulisya na agad na mahuli ang mga salarin sa mararahas na krimen.
“Ang pag-arestong ito ay patunay ng mas pinaigting na intelligence-driven operations sa antas ng komunidad. Ang aming pangako ay hindi lamang ang pagsugpo sa krimen kundi ang mas mabilis na pagtugon ng pulisya laban sa mga lumalabag sa batas,” ani Nartatez.
Naaresto ng pulisya ang dalawang suspek na lalaki, edad 31 at 48, nitong nakalipas na linggo sa Barangay San Juan sa Buguey, Cagayan kaugnay ng pagpatay sa tatlong cellphone technicians sa bayan ng Lal-lo.
Kabilang sa mga nakumpiska ang isang 9mm pistol, isang M16 rifle na may naburang serial number, mga improvised shotgun, at isang rifle grenade.
“Mahalaga ang koordinasyon ng komunidad at lokal na pulisya dito. Ito ang patunay na kapag may tiwala ang publiko sa pulisya, mas mabilis ang pagresolba ng kaso,” aniya.
(JESSE RUIZ)
105 