2 ONLINE SCAMMER, ARESTADO SA PARAÑAQUE

NASAKOTE ng mga operatiba ng Pasay City Police sa Paranaque City kahapon ang isang negosyanteng Pinoy na umano’y nasa likod ng online scam sa Pilipinas at Singapore.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Malvin Kistiakowsky Chaneco Tianchon, 29-anyos, residente ng 9006-69 Recto Extension, Villamor Airbase, Pasay City.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Marso 11 niHon. Jose Lorenzo Dela Rosa, presiding Judge ng RTC Branch 117 ng Pasay City.

Sa report kay PNP chief, General Archie Francisco Gamboa, ni NCRPO chief, Police Major General Debold Sinas, si Tianchon ay akusado sa criminal case No. R-PSY-20-00995-CR, na walang inirekomendang piyansa para sa kasong estafa na may kaugnayan sa Repulic Act No. 10175 o The Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon kay Sinas, sina Police Executive Master Sergeant Edgar Bolivar at Police Chief Master Sergeant Jonathan Moreno ng Pasay City Police Station Warrant and Subpoena Section, ang nagsilbi ng arrest warrant kay Tianchon sa Marcelo Avenue, Paranaque City dakong alas-3:00 ng hapon noong Martes.

Ang suspek ay dinala sa Pasay City Police Station para sa dokyumentasyon at para sa pagbabalik ng warrant of arrest sa nag-isyung korte.

Kasabay nito, inaresto naman ng mga operatiba ng PNP Anti-Cybercrime Group ang isang online seller na sangkot sa credit card fraud.

Ayon kay PNP-ACG Director, Police Brigadier General Dennis Agustin, kinilala ang suspek na si Kli Ban Rapista Agarrado, alyas Marco Castro Margarico, 22-anyos, nadakip sa entrapment operation sa kanyang tinutuluyan sa Unit 1952, Tower II, SMDC Grace Residences, Leby Mariano St., Taguig Calzada, Taguig City bandang alas-10:42 noong Martes, Mayo 19.

Sinabi ni Agustin, si Agarrado ay gumawa umano ng ‘online purchases’ gamit ang credit card information ng complainant na si Cheyenne Sibal Edlagan.

Napag-alaman, ginamit ng suspek ang credit card information ni Sibal sa pagbili ng dalawang unit ng ng Apple watches sa pamamagitan ng Power Mac Viber Chat Group na kung saan si Agarrado ang administrator.

Nadakip ang suspek ng PNP-AGC agents nang tanggapin ang kanyang mga binili mula sa delivery courier.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 9 (c) and (j) ng Republic Act 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) na inamyendahan na RA 11449, Article 172 (Falsification of Private Individual and use of a falsified Documents), Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) at Articles 315 (Swindling/ Estafa) ng RPC na may kaunayan sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012). JOEL O. AMONGO

260

Related posts

Leave a Comment