DUMIRETSO sa Department of Justice (DOJ) sina Rep. Leila de Lima at Fr. Flavie Villanueva upang magsampa ng hiwalay na kaso laban sa 18 dating sundalo na tinaguriang “maleta boys,” matapos nauna nilang magsumite ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa DOJ, sinampahan nila ng reklamong perjury ang mga dating sundalo na lumagda sa isang joint affidavit na kamakailan ay isinumite sa Office of the Ombudsman.
Itinuring ni De Lima na kasinungalingan ang alegasyon sa affidavit na nakipagpulong umano siya kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Muli rin niyang pinabulaanan ang paratang na tumanggap siya ng “paper bag” o maleta na naglalaman ng milyun-milyong piso.
Nag-ugat ang reklamo sa pahayag sa joint affidavit na nagsasabing nakatanggap umano ang mambabatas ng bag o maleta na may lamang malaking halaga ng pera. Mariin itong itinanggi ni De Lima at iginiit na layunin lamang ng naturang alegasyon na dungisan ang kanyang reputasyon.
Ayon naman kay Fr. Villanueva, ang paghahain nila ng reklamo ay tugon sa umano’y paninirang-puri laban sa kanila.
Samantala, nagsampa rin ng perjury at cyberlibel complaint sa DOJ si Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang Jr. laban sa 18 dating sundalo na tinaguriang “maleta boys,” gayundin sa kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod.
Ayon kay Catapang, isang demolition job ang pagdawit sa kanyang pangalan sa alegasyong siya umano ang naghatid ng walong maleta ng pera kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Sinabi ni Catapang na hindi na niya maaaring palampasin ang umano’y paninirang-puri laban sa kanya.
“Sa pagkakataong ito hindi ko na kayang palampasin dahil paninirang-puri na ito. Demolition job na po ito,” ani Catapang.
Iginiit ng BuCor chief na walang katotohanan ang mga paratang dahil wala umanong ganitong kalaking pondo ang ahensya na maaaring manakaw.
Wala rin aniya silang mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi rin sila sangkot sa anumang ghost projects o anomalya.
Bukod sa mga kasong isinampa sa DOJ, nakatakda rin umanong magsampa si Catapang ng disbarment case laban kay Baligod sa Korte Suprema.
Ayon kay Catapang, bilang abogado ay may pananagutan si Baligod na magsabi ng katotohanan.
Sa alegasyon kasi ng abogado, sinabi nitong naghatid umano si Catapang ng walong maleta na naglalaman ng pera at nasangkot din sa umano’y pagnanakaw ng pagkain ng mga persons deprived of liberty (PDLs).
(JULIET PACOT)
124 