BINAWIAN ng buhay ang alkalde ng bayan ng Marilao sa lalawigan ng Bulacan habang sugatan naman ang driver/bodyguard at sekretarya nito matapos sumalpok ang sasakyan nila sa isang poste ng kuryente sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone, Mabalacat City, Pampanga noong Linggo ng hapon.
Kinumpirma ng anak ng alkalde na si Jackielou Silvestre-Guillermo, ang pagkamatay ng kanyang ama na si Mayor Ricky Silvestre, 65, na isinugod sa Medical City sa Clark Freeport Zone ngunit binawian ng buhay.
Kritikal naman ang driver/ bodyguard na si P/SSgt. Rodel Gojo Alcantara, 48, residente ng Sta. Maria, Bulacan na isinugod sa nasabi ring pagamutan.
Sa Angeles University Foundation Hospital naman isinugod si Karen Bonifacio, secretary ni Mayor Silvestre.
Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng puting Toyota Land Cruiser na may plate number CAP-3127, na minamaneho ni Alcantara nang mangyari ang insidente bandang alas-5:39 ng gabi.
Habang binabagtas ng mga biktima ang nasabing lugar, ayon sa mga nakasaksi, ay nakita munang nagpagewang-gewang ang sasakyan bago tuluyang sumalpok sa poste.
Samantala, may teorya ang pulisya na nakatulog ang driver na naging dahilan ng aksidente. (ELOISA SILVERIO)
