DEAD on arrival sa pagamutan ang isang nanay at ang kanyang sanggol na anak habang dalawa pang kaanak nila ang malubhang nasugatan nang biglang salpukin ng rumaragasang Sport Utility Vehicle ang kanilang tindahan sa Tabuk City, sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon sa ulat ng Tabuk City PNP, sa lakas ng impact, inabot ng dagliang kamatayan ang 39-anyos na babae at ang kalung-kalong nitong 6 na buwang gulang na sanggol bagama’t nagawa pang maitakbo sa ospital.
Habang sugatan ang dalawa nilang kaanak na may edad na 15 at 28, at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital, ayon kay Police Major Garry Gayamos, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office.
Lumabas sa pagsisiyasat, nakaupo ang ina karga ang kanyang anak, kasama ang dalawang kamag-anak sa harap ng tindahan sa Barangay Bulo nang mabangga sila ng isang SUV.
Sa initial report na ibinahagi ni Gayamos, sinasabing mag-o-overtake sana ang SUV sa kanyang sinusundang sasakyan nang bigla umano itong lumiko.
Hinala ng mga imbestigador, nabigla ang driver ng SUV. At sa halip na preno ay accelerator pedal ang natapakan nito kaya lalong bumilis at dumiretso sa tindahan.
“Hindi niya nakita na ‘yung io-overtake niya ay biglang liliko, sa direksyon na papasok sa isang sitio ng Bulo. Nabigla ito,” ani Gayamos.
Sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, and damage to property ang driver ng SUV. (JESSE KABEL)
193
