2 PANG TESTIGO SA GCTA FOR SALE, IHAHARAP SA SENADO 

tito sotto

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

KINUMPIRMA ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na dalawa pang testigo ang ihaharap nila sa pagdinig ng Senado na magpapatunay ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Ayon kay Sotto, inaayos lamang nila ang isyu sa seguridad ng dalawang testigo subalit kung hindi man aniya makaharap ang mga ito ay ipiprisinta ang kanilang mga salaysay.

“Meron na talaga dalawa na kumontak sa atin. Isa taga-loob, isa dating opisyal. So meron na talaga before that kaya lang parehong may security concern pero more or less meron na kami idea,” saad ni Sotto sa panayam sa DWIZ.

“Kung maaayos namin ang security concern ng isa tiyak na tiyak, yung pangalawa medyo alanganin pa,” dagdag pa ni Sotto.

Kinumpirma rin ng senador na mayroon pang hiwalay na mga testigo na magpapatibay sa mga naunang pahayag ni Yolanda Camelon.

Matatandaang humarap si Camelon sa Senado at isinalaysay ang personal nitong karanasan kaugnay sa GCTA for sale.

Sinabi ni Sotto na dahil sa mga testigong ito malinaw na malinaw na ang sinasabing negosyo sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP), bukod sa isyu ng droga.

“100% wala nang kaduda-duda. Wala nang dapat iduda talagang nagbebentahan at nagpapalit ng pera sa loob ng NBP. Hindi lang GCTA for sale. Marami talang pinagkakakitaan doon,” diin pa ni Sotto.

Posible rin naman aniyang bulag  si dating Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon sa kalakaran subalit may posibilidad din na nakarating din ito sa kanyang kaalaman.

“May posibilidad na blindsided sya (Faeldon) kasi hindi naman siya pumapasok sa loob at mga taong nakapaligid lang sa kanya binubulag siya. Pero may posibilidad din na natunugan niya,” dagdag ng lider ng Senado.

Ipagpapatuloy ng Senado ang pagdinig, sa Lunes ng alas-10 ng umaga.

158

Related posts

Leave a Comment