2 PATAY, 1 SUGATAN SA CHECKPOINT

MISAMIS Oriental – Patay ang isang pulis at ang isa sa limang armadong suspek sa engkwentro sa inilatag na checkpoint sa bayan ng Libertad sa lalawigang ito, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang napatay na pulis na si P/SSgt. Ronald Caayupan, habang sugatan din ang isa pang pulis na si P/SSgt. Fernando Maestrado, parehong naka-assign sa Libertad Municipal Police Staation (MPS).

Napatay rin ng mga awtoridad ang isa sa nanlabang mga suspek na si Jephon Pabriga Penangisan, 33, habang naaresto naman kasama nitong  si Richard Perez

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/BGen. Rolando Anduyan, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 10, nangyari ang insidente dakong alas-8:20 ng gabi habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Taytayan Bridge sa national highway sa Poblacion sa Barangay Dolong ng nabanggit na bayan.

Nang dumating umano ang puting Mitsubishi Mirage na may plakang VOG 805 ay huminto ito ngunit agad pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na ikinamatay ni Staff Sgt. Caayupan at ikinasugat naman ni Maestrado na siya ring nakapatay sa  suspek na si Penagisan.

Tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok sa checkpoint bago tumakas ang apat na mga suspek na tumalon  sa tulay ngunit nadakip sa follow-up operation si Perez habang pinaghahanap ang tatlong iba pa. (NICK ECHEVARRIA)

 

144

Related posts

Leave a Comment