P3.5-M ‘SHABU FILTER’ SHIPMENT NAHARANG SA BOC-CLARK

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, katuwang ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang isang kargamento na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o “shabu” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.536 milyon.

Nagmula ang parcel sa Zambia at nakatakdang ipadala sa Cavite.

Ayon sa BOC, na-flag ang shipment sa isinagawang profiling at non-intrusive inspection sa ilalim ng X-ray Inspection Project (XIP) matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe.

Nagpositibo rin ito sa K-9 sniff test, dahilan upang isailalim sa 100% physical examination.

Sa inspeksyon, natuklasan ang isang motor vehicle filter na may limang rectangular paper containers na gawa sa carbon paper at nakapaloob sa metal mesh sa loob ng cylinder.

Nadiskubre sa loob nito ang limang sachet ng puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu.

Sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer, nagpakita ito ng presensya ng ilegal na droga, na kalauna’y kinumpirma sa laboratory test bilang methamphetamine hydrochloride.

Ang nasabing substansiya ay kabilang sa “dangerous drugs” sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Naglabas si District Collector Jairus S. Reyes ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento dahil sa paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. 9165.

Binigyang-diin ni Reyes ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan ng Customs, partikular sa profiling at pagsusuri ng mga kahina-hinalang padala.

Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na layunin ng ahensya na maprotektahan ang publiko laban sa pinsalang dulot ng ilegal na droga.

Ayon sa BOC, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng pamahalaan upang higpitan ang border security at sugpuin ang pagpasok ng ilegal na substansiya sa bansa. (BP)

112

Related posts

Leave a Comment