2 PATAY, 1 SUGATAN SA RIOT SA CONSTRUCTION SITE

BATANGAS – Dalawang construction worker ang namatay habang isa pa ang sugatan matapos mauwi sa rambulan at pananaksak ang alitan ng dalawang grupo ng mga manggagawa sa Amorosa Subdivision sa Barangay Sta. Teresita, Sto. Tomas City sa lalawigan noong Lunes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-5:40 ng hapon nang magresponde ang mga opisyal ng barangay sa nasabing kaguluhan at natagpuan sa lugar ang tatlong lalaki, kung saan dalawa ang wala nang buhay habang ang isa ay sugatan.

Agad isinugod sa Metro Lipa Medical Center ang nakaligtas na biktima para sa agarang lunas.

Lumabas sa pagsisiyasat na pawang mga construction worker ang mga sangkot sa insidente.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawang grupo habang nasa impluwensiya ng alak ang mga ito.

Nauwi ang komprontasyon sa marahas na pananaksak na ikinamatay ng magkasamang sina alyas “Edwin” at “Leo”, habang nasugatan naman si alyas “Eduardo”, 32, residente ng Calamba City.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ruel”, 25; “Michael”, 33; “Jayson”; “Garry” at “Jericho”, pawang construction workers na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nagpapatuloy ang follow-up investigation at manhunt operation ng Sto. Tomas City Police upang mahuli ang mga suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

106

Related posts

Leave a Comment