TINABLA ng Korte Suprema ang petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na naglalayong utusan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isumite ang opisyal na kopya ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay kasunod ng pagbabasura ng SC En Banc sa very urgent motion na isinampa ng kampo ng senador para makuha ang orihinal na warrant.
Matapos hindi paboran ang mosyon, inatasan naman ng Kataas-taasang Hukuman ang Department of Justice, Department of Foreign Affairs, at iba pang respondent na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay ng hiwalay na Very Urgent Manifestation ng petitioner.
Wala pa ring desisyon ang SC sa pangunahing petisyon nina Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC at sa hiling para sa preliminary injunction.
Samantala, iginiit ni Kitty Duterte, bunsong anak ni Digong, ang mabilis na pagresolba sa kanilang pending petition para sa pagpapauwi sa dating Pangulo. Sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Salvador Panelo Jr., hiniling nila na pakinggan ang “urgent motion to resolve” at atasan ang gobyerno na makipagtulungan para makauwi si Duterte mula sa The Hague, Netherlands.
(JULIET PACOT)
75
