NASAWI ang dalawa habang pito (7) ang sugatan sa vehicular accident na kinasangkutan ng tatlong sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City, Linggo ng umaga.
Ayon sa mga otoridad, ang mga nasawi ay pasahero ng isang jeepney, base sa kumpirmasyon ng mga rumesponde mula sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dinala naman sa hindi nabanggit na ospital ang pitong nasugatan.
Ayon pa sa ulat, ang aksidente ay kinasasangkutan ng isang tradisyunal na pampasaherong jeep na bumibiyahe sa rutang Jordan Plains-Philcoa gayundin ang isang sedan at isang e-jeep at naganap bago mag-alas-7:00 ng umaga sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue patungong Fairview.
Nagdulot ito ng bahagyang pagbagal ng daloy ng trapiko sa eastbound lane pagkatapos ng Sandiganbayan dahil dalawang lane ang inookupahan ng mga naaksidenteng sasakyan.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng pampasaherong jeepney na sangkot sa aksidente.
(PAOLO SANTOS)
