2 PATAY SA RAMBOL NG SASAKYAN

CAVITE – Namatay ang dalawang sakay ng tricycle nang salpukin ng isang Isuzu forward double cab at dump truck sa bayan ng Silang ng lalawigang ito, nitong Biyernes ng madaling araw.

Namatay noon din ang mga biktimang sina Charlie Pyponco Repel Jr., 23, ng Brgy. Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna, at Aiveen Rimbao Arcega, 22, ng Brgy. Puting Kahoy, Silang, Cavite.

Kinilala naman ang mga driver ng nakabanggang mga sasakyan na sina Angelo Malang Vidal, 26, ng Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel, Bulacan, at Alex Butlig Ladica, 46, ng Brgy. Sabit, Cuyapo, Nueva Ecija

Ayon sa ulat ni Corporal Ramil Legaspi ng Silang Police, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Tagaytay-Sta. Rosa Road, Brgy. Puting Kahoy, Silang.

Habang sakay ang mga biktima ng tricycle at binabagtas ang Sta. Rosa-Tagaytay direction ay kasunod nito ang dump truck na minamaneho ni Vidal habang pababa naman patungo sa direksyon ng Sta. Rosa north ang double cab na minamaneho ni Ladica.

Ngunit nawala umano sa kontrol ni Ladica ang kanyang sasakyan at pumihit sa kaliwa kaya tumagilid at bumangga sa tricycle.

Bunsod nito, bumangga rin sa tricycle ang kasunod nitong dump truck.

Hawak na ng mga awtoridad ang dalawang driver ng dalawang sasakyan na nakabangga sa tricycle. (SIGFRED ADSUARA)

207

Related posts

Leave a Comment