MUNTIK nang nauwi sa madugong shootout ang pag-aresto sa dalawang pulis at tatlong kasabwat nila sa ikinasang anti-narcotics operation ng mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit-NCR sa Brgy. Western Bicutan, Taguig City, pasado alas-kuwatro, ng hapon noong Sabado.
Ayon sa ulat ng PDEG-SOU, ang dalawang pulis na nadakip sa buy-bust operation ay kapwa mga police corporal na nakadestino sa Taguig City Police Station.
Ayon kay PLt. Col. Christopher Navida, OIC, SOU-NCR, PDEG, may natanggap silang intel report na dati na umanong na-assign sa drug related police operation ang inarestong mga pulis na luminya sa kalakalan ng droga.
“Sinasabing magiging bahagi ito follow-up investigation dahil may mga impormasyon umanong nakalap na dati na rin po silang na-assign sa drug enforcement unit,” sabi ni PLt. Col. Navida.
Habang ang tatlong sibilyan na nahuli ay kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae.
Nakuha mula sa mga suspek ang 100 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000, ID cards at mga cellphone.
Nakuha rin ang mga service firearm at mga bala mula sa dalawang pulis.
Sinasabing muntikan nang magkaroon ng engagement sa pagitan ng mga operatiba at arrested drug personalities. “It so happen na una silang na-take down nung ating kapulisan and nag-surrender na sila,” ani PLt. Col. Navida.
Posibleng maharap sa reklamong paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang nahuling mga suspek, bukod sa reklamong usurpation of authority na isasampa sa dalawang pulis na nahuli.
(JESSE RUIZ)
112 