2 PULIS-PASIG TIMBOG SA EXTORTION

SA halip na baril, malamig na rehas ang hinihimas ngayon ng dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos dakpin ng mga kabaro makaraang kikilan ang isang ginang na inakusahang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa Pasig City.

Ayon sa ulat ng mga operatiba mula sa Integrity Monitoring and Enforcement Action Team (IMEAT) ng PNP, arestado ang dalawang pulis-Pasig na kinilalang sina Sgt. Michael Familara ng Pasig PNP Station 7, at Cpl. Nathaniel San Buenaventura ng Pasig PNP Station 2.

Timbog din sa nasabing operasyon sa Barangay San Miguel ng naturang lungsod ang umano’y mga kasabwat na sibilyang kinilala ng sina John Carlo Zapanta at Carl Anito na kapwa nakumpiskahan ng ilegal na droga.

Ayon sa imbestigasyon ng IMEAT, pinasok nina Familara at San Buenaventura ang bahay ng isang Maricel Banta na umano’y sangkot sa ilegal na droga, at sinamsam ang mga ari-arian at maging ang alkansya na naglalaman ng mahigit P10,000.

Gayunpaman, sa halip na dalhin sa istasyon ng pulisya, iginala umano ng dalawang pulis ang arestadong ginang at saka pinuwersang sumuka ng mahigit pa sa nakuhang pera mula sa alkansya ng anak ng biktima.

Sa takot na tuluyang ipiit, nagbigay umano ang biktima ng paunang P6,000 gamit ang GCash, na inayunan ng dalawang pulis sa kondisyong ibibigay kinabukasan ang kakulangang P4,000.

Kinabukasan, binalikan umano ng mga suspek ang ginang at pilit na kinukuha ang anila’y balanseng P4,000. Dito na humingi ng tulong ang ginang sa IMEAT na dumakip sa kotong cops sa aktong pagtanggap ng pera mula sa kanilang biktima. (ENOCK ECHAGUE)

171

Related posts

Leave a Comment