QUEZON – Dalawang bangkay na lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution, ang natagpuan sa Barangay Cabay, sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng umaga.
Nakagapos sa packaging tape ang mga kamay at paa, may nakapulupot na alambre sa leeg ang dalawang bangkay na iniwan sa gilid ng highway.
Ang mga ito ay may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
May nakita ring palatandaan na pinahirapan muna ang mga biktima bago pinatay.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PNP-SOCO sa insidente, may dumating na dalawa katao sa lugar at sinabing pinsan nila ang isa sa mga biktima na kinilalang si Rommel Bartolome, residente ng Sampaloc, Manila.
Umalis umano sa kanilang bahay sa Sampaloc si Bartolome, 29-anyos, dalawang araw na ang nakalilipas, upang magbenta ng motorsiklo ngunit hindi na nakauwi. Hindi raw nila kilala ang isa pang natagpuang bangkay.
Gayunman, nabatid na may isa pang residente ng Sampaloc ang iniulat na nawawala na kinilalang si Joaquin Vergara, 19-anyos.
Inaalam pa ng pulisya kung si Vergara ang isa sa dalawang natagpuang bangkay. (NILOU DEL CARMEN)
