2 suspek na Chinese arestado 2 KFR VICTIMS NASAGIP NG PNP-AKG

ARESTADO sa mga tauhan ni Anti-Kidnapping Group Director P/BGen. Jonel C. Estomo ang dalawang Chinese national na suspek sa kidnapping sa isinagawang rescue operation sa Las Piñas City noong Linggo, Agosto 9.

Ayon sa report, dakong alas-11:00 ng umaga isagawa ang operasyon sa Block 5, Lot 11, Louis Vail, Aurelia St., BF Resort Village, Las Piñas City ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa tulong ng RID NCRPO na nagresulta sa pagkakasagip sa dalawang Chinese national kidnap victims na na sina

Jiang Xiao Hao at Li Weizu.

Kinilala naman ang nadakip na mga suspek na sina Weng Zhiting at Cheng Guo, kapwa Chinese national.

Nag-ugat ang operasyon base sa reklamong isinampa ng asawa ng isa sa mga biktima na si Yang Lingyu na iniulat sa mga operatiba na ang kanyang asawa na si Jiang Xiao Hao ay kinidnap sa Regency Salcedo, Bel-Air, Makati City noong Agusto 7 dakong alas-2:45 ng hapon.

Ayon kay Yang, humihingi ang mga suspek ng 500,000 RMB kapalit ng ligtas na paglaya ng mga biktima.

Noong Agusto 8 ay nagkaroon ng negosasyon, gayunman ang pamilya ng mga biktima sa China ay tumangging magbigay ng ransom sa mga suspek.

Nang mabatid ito ng mga suspek, binugbog nila ang mga biktima habang pinaririnig sa telepono sa kanilang mga kaanak.

Samantala, sa pamamagitan ng kanilang Alipay Apps Account, ang pera ng mga biktima na nagkakahalaga ng 80,000 RMB, ay agad inilipat sa account ng mga suspek.

Agad namang nagtungo ang mga opreatiba sa nasabing lugar at ligtas na nasagip ang mga biktima at nadakip ang mga suspek.

Napag-alaman ng pulisya, ang mga suspek ay sangkot sa ‘online exchange of currency’ bilang kanilang modus operandi na ginagamit nila sa kidnapping.

Nang-eengganyo umano ang mga suspek sa kanilang bibiktimahin sa pamamagitan ng online, para palitan ang kanilang Philippine peso money sa foreign currency sa pamamagitan ng Electronic Telegram Apps at Alipay Accounts.

Nag-aalok umano ang mga ito ng mataas na palitan, bawas abala at mabilis na pamamaraan ng pagpalit ng pera kaysa mga bangko na maraming requirements.

Para makuha ng mga suspek ang tiwala ng kanilang mga biktima, papalitan ng mga ito ang Philippine peso ng foreign currency sa mas mataas na halaga ngunit sa ikalawang transaksyon ay saka sila kikidnapin.

Nakumpiska sa mga suspek ang kanilang celphones, isang fired cartridges case ng 9mm, isang live ammunition ng cal, 38, dalawang posas, plastic straps at iba pang piraso ng mga ebidensiya sa kanilang safehouse. (JOEL O AMONGO)

156

Related posts

Leave a Comment