KALABOSO ang dalawang suspek na responsable sa pagpaslang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, na ikinamatay rin ng apat na bodyguards at driver nito noong taong 2023.
Hindi nakapalag ang mga suspek nang isilbi sa kanila nitong Martes, dakong alas-2:00 ng madaling araw sa Barangay Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija, ang warrant of arrest na inilabas ng Bayombong, Nueva Vizcaya Regional Trial Court Branch 28, kaugnay sa anim na bilang ng kasong murder.
Kabilang sa naaresto ang itinuturong lider ng De Guzman potential private armed group, at isang miyembro nito.
Matatandaan, sakay sa van ang grupo ni Vice Mayor Alameda noong Pebrero 19, 2023 ng umaga habang papunta ng Manila. Ngunit pagsapit ng mga ito sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya ay huminto ang mga ito dahil sa nakabarikada.
Dito na pinaulanan ng bala ang sasakyan ni Alameda na ikinamatay nito gayundin ang driver ng van at apat na bodyguards.
Napag-alaman na pekeng checkpoints ang inilatag ng mga suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station sa Nueva Vizcaya.
(TOTO NABAJA)
