CAVITE – Swak sa kulungan ang dalawang “persons-of-interest” na inginusong responsable sa pamamaril, at nahulihan ng baril sa isinagawang follow-up operation sa Dasmariñas City noong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Sec 26 (q) ng Omnibus Election, ang mga suspek na sina alyas “Jessie, 62, at “Renante”, 37, kapwa ng Dasmariñas City.
Ayon ulat, bandang alas-7:30 ng gabi, nagsagawa ng follow-up operation ang Dasmariñas Component City Police Station sa Brgy. Langkaan 1, ng nasabing lungsod, hinggil sa persons-of-interest sa nangyaring shooting incident sa Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City, noong Enero 10.
Ngunit papunta pa lamang ang mga awtoridad sa bahay ni alyas “Jessie” ay namataan itong akmang bubunot ng baril naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.
Nakumpiska sa suspek ang isang .9mm kalibre ng baril na kargado ng siyam na bala.
Inginuso naman ni Jessie ang isang alyas “Renante”, bilang kasapakat niya sa krimen.
Tinangka rin umano ni Renante na bumunot ng baril ngunit agad itong inaresto ng mga awtoridad at nakumpiska ang .38 kalibre ng baril na may dalawang bala. (SIGFRED ADSUARA)
3