REHAS na bakal ang kinasadlakan ng dalawang tambay matapos mahuli sa akto ng mga tauhan ng Maritime Police na sumisinghot ng shabu sa Navotas Fish Port Complex, Navotas City.
Kinilala ni Maritime Police Station (MARPSTA) head Major Rommel Sobrido ang arestadong mga suspek na sina Ronald Viliganio, 32, at Alex Sapo, 49, kapwa ng Market 3, Squatters Area, NFPC, NBBN.
Sa report ni Maj. Sobrido kay Northern NCR MARPSTA Chief P/Col. Ricardo Villanueva, alas-2:30 ng hapon, nagsasagawa ang mga operatiba ng Intelligence MARPSTA, sa pangunguna ni P/Lt. Erwin Garcia, ng surveillance operation, hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang paikot-ikot sa Bundok Area, Kadamay St., Market 3, NFPC, NBBN.
Ngunit napansin ng mga pulis ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang nakabukas na kubo kaya’t kaagad nilang sinunggaban ang dalawa.
Ayon kay P/SMS. Bong Garo II, nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na P500 ang halaga at ilang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
234
