2 -TAON RAKET SA BI BINUKING

HINDI pa man natatapos ang imbestigasyon hinggil sa P550,000 bayad ng bawat Chinese sa mga korap umanong opisyal sa Bureau of Immigration (BI) ay nabunyag naman ang raket patungkol sa “human trafficking”.

Ayon sa impormasyong ipinarating kay Senadora Risa Hontiveros, P50,000 ang ibinabayad sa mga tiwali sa BI kapalit ng mabilis na pag-alis ng isang nais mag-abroad na Pinoy.

Nalantad sa media ang P50,000 kada ‘ulong’ human trafficking racket, samantalang hindi pa tapos imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang P550,000 singil umano ng mga korap na opisyal at kawani sa BI sa mga Chinese na papasok sa bansa nang walang kahirap-hirap.

Ang nasabing korapsyon ay napakalayo sa P10,000 hinihingi noon ng Pastillas Gang sa BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bawat dayuhang papasok sa Pilipinas na walang visa upon arrival (VUA).

Ang karanasan umano ng mga biktima ng korapsyon tungkol sa human trafficking ay napipilitan ang bawat Pilipino na magbayad ng P50,000 dahil ang kausap nilang travel company, o recruitment agency ay napakalaki ng ipinangakong sahod na kanilang matatanggap kung makapagtrabaho sila sa ibang bansa.

Ngunit, hindi totoong malaki ang suweldong natatanggap ng overseas Filipino worker (OFW).

Nadismaya ang mambabatas dahil sa nadiskubreng korapsyon na tinatayang dalawang taon nang nagaganap sa BI.

Ito ay bukod pa sa nabunyag na P40 bilyong kita ng Pastillas Gang sa BI sa NAIA mula 2017 hanggang 2020.

Kinasuhan na sa Office of the Ombudsman ang mga sangkot na opisyal at kawani ng BI sa nasabing korapsyon.

Iba pa ang P550,000 raket mula sa mga dayuhang Intsik na sinisiyasat na ng NBI.

Nangako naman si BI Commissioner Jaime Morente na makikipagtulungan sa mga senador sakaling matuloy ang imbestigasyon tungkol sa sinasabing human trafficking. (NELSON S. BADILLA)

266

Related posts

Leave a Comment