2 TAONG MORATORIUM SA UTANG NG LGUs, APRUB

INAPRUBAHAN ng House committee on banks and financial intermediaries ang panukalang batas na magbibigay ng dalawang taong moratorium sa mga utang ng Local Government Units (LGUs).

Walang tumutol nang isalang sa botohan ang House Bill 6900 o LGU (Local Government Unit) Loan Moratorium Act” na inakda ni Navotas City Rep. John Reynald Tiangco sa nasabing komite na pinamumunuan ni Quirino Rep. Junie Cua.

Ginawa ang nasabing panukala upang magkaroon ng sapat na panahon ang LGUs na magrekober sa pandemya sa COVID-19 kung saan apektado rin ang income ng mga ito dahil tigil ang lahat ng negosyo sa kanilang nasasakupan.

“Nang dahil sa pandemya ay huminto ang mga aktibidad sa ating ekonomiya sa iba’t ibang sektor. Kaya’t dapat lamang na pagtuunan ang pagsisikap na maiangat ang inisyatiba ng pamahalaan at mga polisiya na mag-aahon tungo sa ating paglago sa mga darating na taon,” paliwanag ni Tiangco sa kanyang panukala.

Sa ngayon ay ilang buwan lamang ang ibinigay na moratorium sa pagbabayad ng utang at interes, hindi lamang ng mga pribadong mamamayan at korporasyon sa mga bangko at mga kahalintulad na institusyon sa ilalim ng Bayanihan Law.

Nakatakdang dalhin ang nasabing panukala sa plenaryo ng Kamara para pagtibayin sa ikalawa at ikatlong pagbasa upang maging ganap na batas. (BERNARD TAGUINOD)

163

Related posts

Leave a Comment