2 TINEDYER NALUNOD SA CEBU

CEBU – Dalawang tinedyer ang nalunod nang maligo sa dagat sa

Barangay Panantaran, sa bayan ng San Fernando, sa lalawigang ito, noong Huwebes.

Nitong Biyenes ng umaga ay natagpuan ng rescue team ng Philippine Coastguard at PNP, ang wala nang buhay na mga biktima matapos iulat na nawawala noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina Jozel Apao, 13, at Frances Ramayrat, 16, parehong residente ng Barangay Tungo, San Fernando.

Ayon sa report ng pulisya, ang dalawang biktima kasama ang isa pa nilang barkada, ay naligo sa dagat noong Huwebes ng umaga.

Subalit nang bumuhos ang malakas na ulan, kasabay ng pagsama ng panahon, ay lumaki ang mga alon.

Sinabihan pa umano ng mga residente na umahon na ang mga ito subalit tinangay ang mga biktima ng malalaking alon. Nagawa namang makalangoy patungo sa dalampasigan ang isa nilang kasama.

Agad ding nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad subalit noong Huwebes ng gabi ay opisyal nang idineklarang “missing” ang dalawa hanggang sa matagpuan ang mga ito nitong Biyernes ng umaga sa pagpapatuloy ng operasyon.

Nagpaalala naman ng mga awtoridad sa mga residente na iwasan muna ang anomang water activities kapag masama ang panahon.

Napag-alaman na umuulan sa lugar nang mangyari ang insidente dulot ng umiiral na LPA kahapon.

(NILOU DEL CARMEN)

169

Related posts

Leave a Comment