DALAWANG topmost wanted ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa magkahiwalay na operasyon sa Sta. Ana, Manila at sa Dasmariñas City, Cavite.
Ayon sa ulat ng MPD-Sta. Ana Police Station 6, isinilbi ang arrest warrant sa suspek na si Alexander Barliso y Bonggat, alyas “Alexander Valieto,” 45, tricycle driver, sa Mabuhay City Subdivision, Paliparan, Dasmariñas, Cavite.
Si Barliso ay number 1 most wanted person dahil sa kasong pagpatay at walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Bernardo Diego, ng Intelligence and Warrant Section ng MPD-Station 6, bandang alas-4:10 ng hapon noong Huwebes nang arestuhin si Barlizo sa nabanggit na lugar sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Rodolfo Ponferrada, Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 41.
Samantala, inaresto naman ng mga tauhan ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8 ang suspek na si James Casim y Basa, 55, truck driver, at naninirahan sa #380 Tongco Compound, McArthur Highway, Valenzuela City.
Batay sa ulat ni Lt. Joemer Juhan, deputy chief ng Intelligence Section, bandang alas-3:37 ng hapon noong Oktubre 3 nang arestuhin si Casim sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Hon. Jacqueline Martin-Balictar, Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 09, dahil sa kasong paglabag sa Revised Penal Code RA 8353 o rape.
Base sa ulat, dahil sa impormante, natunton ang kinaroroonan suspek sa McArthur Highway sa Valenzuela City. (RENE CRISOSTOMO)
123
