2 TRIKE DRIVER TIMBOG SA P84K SHABU

SWAK sa kulungan ang dalawang tricycle driver na kapwa umano sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga, matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Joel Villanueva ang mga arestado na sina Roberto Calixto, 54, ng Blk. 24, Lot 4, 2nd St., at Allan Almario, 40, ng 1st St., kapwa ng Brgy. Tañong.

Ayon kay Col. Villanueva, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong verification.

Nang makumpirma ang ulat, agad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Amadeo Tayag Jr., ang buy-bust operation sa mga suspek sa 2nd St., Brgy. Tañong dakong alas-7:30 ng gabi.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P10,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang 12.4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P84,320.00 ang halaga, at buy-bust money. (FRANCIS SORIANO)

116

Related posts

Leave a Comment