CAVITE – Tinatayang mahigit sa P130 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa arestadong dalawang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation Bacoor City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga arestado na sina Michelle Castro Bardolesa, 39, at alyas “Jahmir,” 16, kapwa residente ng Block 14, Lot 24, Phase 1, Avida Settings, Brgy. Molino IV, Bacoor City.
Ayon sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (PPO), dakong alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang puwersa ng ISAFP Task Force NOAH, PDEA RO EDO, PDEG SOU 4, PDEG NCR, NICA at Bacoor CPS sa Block 14, Lot 24, Phase 1, Avida Setting, Brgy. Molino 4 kung saan nakipagtransaksyon ang dalawang suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang 1 kilo ng hinihinalang shabu na P 6.8 million ang street value, 19 kilo ng umano’y shabu na P129,200,000 ang halaga, driver’s license, ID card, buy-bust money at cellphone. (SIGFRED ADSUARA)
