20 KILO NG SHABU NASAMSAM SA LAGUNA

LAGUNA – Umabot sa 20 kilo ng umano’y shabu ang nasamsam sa isinagawang joint law enforcement operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police na nagresulta sa pagkakadakip sa isang wanted drug personality at kasama nito noong Martes sa lalawigan.

Ayon sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ni PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, inaresto ng anti-narcotics operatives ng PDEA ang wanted drug personality at kasama nito sa bisa ng warrant of arrest noong Agosto 12, 2025.

Ayon kay Usec. Nerez, matapos ang isinagawang intelligence gathering operation laban sa suspek, inilatag ng PDEA Regional Office-NCR Northern District Office at PDEA Regional Office IV-A Laguna Provincial Office, katuwang ang mga kasapi ng Laguna Provincial Police Office, Police Drug Enforcement Unit, ang law enforcement operation.

Target si Abedin Salikaya Kendayo, 30, residente ng Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur, sa operasyon na ipinatupad sa Maharlika Highway, Barangay San Antonio II, San Pablo City, Laguna.

Arestado rin ang kasama ni Kendayo na si alyas “Rene”, 30, mula sa Cotabato, Maguindanao del Norte.

Nasamsam sa operasyon ang 20 gold packs na may label na “Guanyinwang” Tea, na naglalaman ng tinatayang 20 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride, o shabu na nagkakahalaga ng P136 milyon, isang beige Nissan Navara, isang identification card, at dalawang cellphone.

Si Kendayo na may standing warrant of arrest for possession of dangerous drugs, at alyas “Rene”, ay sinasabing kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan ng ilegal na droga na kumakalat sa NCR.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Transportation of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(JESSE RUIZ)

36

Related posts

Leave a Comment