20 LAPTOPS IPINAMIGAY SA TEACHERS SA CAINTA

typing

CAINTA, Rizal – Bilang tugon sa panawagan ng mga gurong nagsasagawa ng klase sa pamamagitan ng internet, 20 libreng laptops ang ipinamahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa hiling na rin ng dating alkalde at mamamahayag na si Ramon Ilagan.

Ayon kay Ilagan, higit na kailangan bigyan ng angkop na kagamitan ang mga gurong nagtuturo online sa una at ikalawang distrito ng Department of Education (DepEd) – Cainta.

Paglilinaw ni Ilagan, hindi sa kanya galing ang mga libreng laptop bagamat aminado ang dating alkalde na ang Ramon A. Ilagan Scholarship Foundation ang masigasig na nakipag-ugnayan sa DICT para sa angkop na kagamitang pasok sa cybersafe learning education program ng nasabing kagawaran.

Aspirante sa posisyon ng Bise-Alkalde si Ilagan sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na nagtutulak sa kandidatura ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Sa isang simpleng seremonyang dinaluhan ni Ilagan, at mga kinatawan ng DICT, DepEd at ni Konsehal Kay Ilagan, isinagawa ang turnover ng Haier Notebook 14 Core i3 laptops sa Schools Division of Rizal na pinangunahan ni Dr. Babylyn Pambid na tumatayong assistant regional director.

Lubos naman ang pasalamat ni Pambid sa aniya’y pagtugon ni Ilagan at ng DICT kaugnay ng mga libreng laptop na umano’y malaking tulong sa isinasagawang virtual learning sa mga kabataang residente ng nasabing bayan, lalo pa’t suspendido pa rin ang face-to-face classes sa mga paaralan.

Dagdag pa ni Pambid, malayo ang mararating ng tulong na aniya’y nagpapabilis ng pagtuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante, bukod pa sa malawakang pagsasaliksik sa pamamagitan ng internet. (CESAR BARQUILLA)

228

Related posts

Leave a Comment