UMABOT sa 20 personnel ng Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) at apat na private contractors ang sinampahan ng kasong korupsyon sa Office of the Ombudsman ni DPWH Secretary Vince Dizon noong Huwebes.
Kabilang sa isinampang mga kaso ang paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); Article 217 ng Revised Penal Code (Malversation of Public Funds), na may kaugnayan sa Articles 171 ng Revised Penal Code; Republic Act 9184; at iba pang katulad na batas.
Kasama naman sa mga kinasuhan sa Office of the Ombudsman sina dating Bulacan 1st DEO District engineer Henry Alcantara; dating assistant district engineer Brice Ericson Hernandez; sina Jaypee Mendoza at John Michael Ramos ng Construction Section; Planning and Design Section chief Ernesto Galang; Maintenance Section’s Lorenzo Pagtalunan and Jaime Hernandez; Quality Assurance Section chief Norberto Santos; Administrative Section chief Floralyn Simbulan; Finance Section’s Juanito Mendoza; Budget Unit head Roberto Roque; Procurement Unit head Benedict Matawaran; cashier Christina Mae Pineda; project engineers Paul Jayson Duya, Merg Jaron Laus, Lemuel Ephraim Roque, Arjay Domasig, John Carlo Rivera, John Benex Francisco; at engineer Jolo Mari Tayao.
Ang mga kontratista naman na kinasuhan ng mga kaugnay na paglabag sa batas ay sina Sally Santos ng SYMS Construction Trading; Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders; Ma. Roma Angeline Rimando kasama ang beneficial owner na si Cezarah Rowena Discaya ng St. Timothy Construction Corporation; at Robert Imperio ng IM Construction Corporation.
Ang pagsasampa ng kaso laban sa nabanggit na mga indibidwal ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panagutin ang mga sangkot sa anomalya sa flood control projects sa probinsya ng Bulacan.
Sinabi ni Dizon, ito ay simula pa lamang habang hindi pa nabubuo ng pangulo ang Independent Commission na mag-iimbestiga sa anomalya.
Ayon kay Dizon, makakamit nating lahat ang hustisya na nararapat sa ating lahat bilang mga Pilipino.
Aniya, ito ang tiniyak ng pangulo, at ito pa lang ang una sa marami pang kaso na darating.
Samantala, hinimok ni Dizon ang publiko na i-report ang posibleng maanomalyang proyekto o mga opisyal ng DPWH na sangkot dito upang sila ay mapanagot.
(JOCELYN DOMENDEN)
