Korapsiyon sanhi ng insurhensiya sa Pilipinas DUTERTE SAPOL KAY PACQUIAO

0

(ESTONG REYES)

LATAY kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ni Senador Manny Pacquiao na korapsiyon ang dahilan kaya laganap ang insurhensiya sa Pilipinas na nagpalubog sa kahirapan sa mamamayan sa kanayunan.

Sa ginanap na maikling seremonya sa presentasyon ng 130 Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) surrenderees sa 88th Infantry Battalion Headquarters sa Maramag, Bukidnon, sinabi ni Pacquiao na korapsiyon ang dahilan kung bakit kapos sa edukasyon, walang imprastruktura at disenteng hanapbuhay sa kanayunan.

Aniya, kaya madaling nahihikayat ang mga Lumad na kalabanin ang pamahalaan dahil sa kawalan ng tuloy-tuloy na suporta sa kanilang komunidad.

“Hindi nabibigyan ng suporta ang ating mga Lumad dahil sa matinding kurapsyon. Yung mga pondo na napupunta dapat sa pagpapatayo ng mga paaralan, paglalagay ng mga kalsada sa kanayunan at pagbibigay ng kabuhayan ay napupunta sa mga korap at mga ganid na politiko.

Kailangan nating ubusin itong mga korap upang mas marami pang rebelde ang magbalik-loob sa ating pamahalaan,” paliwanag ni Pacquiao.

“Nagkakaroon ng pagkakataon itong mga NPA na mag-recruit sa mga Lumad communities sa kawalan ng kabuhayan at kawalan ng suporta sa edukasyon galing sa pamahalaan,” dagdag niya.

Sinabi ni Pacquiao na nakipag-usap na siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 10 na bigyan ng suporta ang mga sumuko mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaan.

Binigyan ng pondo ang mga sumuko, karamihan mula sa Manobo-Higaonon tribe na marami sa Central Mindanao, para sa rabbit farming.

Ayon kay Pacquiao, lumagda na sa kasunduan ang ilang imbestor sa Davao City at General Santos City na bibilhin ang kanilang produktong rabbit.

Idinagdag pa ng senador, tubong Kibawe, na bukod sa kabuhayan, kailangan din umanong pabilisin ang implementasyon ng Republic Act 8371 o kilala bilang “The Indigenous Peoples Rights Act of 1997”.

Aniya, isang malinaw na lumalalang problema ng Lumad communities ang kawalan ng pabahay kahit nakatakda sa RA 8371 na ginagarantiyahan ang kanilang karapatan sa ancestral domain.

Sinabi pa ni Pacquiao na dapat pabilisin ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) ang pagpapalabas ng ancestral domain titles para sa Lumads bilang bahagi ng pangako ng pamahalaan na tulungan ang IPs.

“Ang laganap na insurgency sa bansa ay bunga ng kapabayaan ng ating pamahalaan. Kailangan natin ang makatotohanang pagtulong para sa ating mga mahihirap upang mas magkaroon ng kapayapaan sa ating bayan,” ayon kay Pacquiao.

Matatandaang numero unong kampanya ni Pangulong Duterte ang pagsugpo sa korapsyon bago pa man siya naupo sa Malacanang subalit hindi pa rin ito napagtatagumpayan kahit ngayong halos dalawang taon na lamang siya sa pwesto.

 

Read More

Kung napaglaruan sa QC shootout PNP-PDEA PANIS SA DRUG LORDS *House, Senate probe pinatiklop ni Digong

0

(BERNARD TAGUINOD)

MANGANGAHULUGAN na nakalalamang sa taktika ang mga drug lord kaysa law enforcement agencies kung kaya silang paglaruan ng mga ito tulad ng pinalalabas sa nangyaring barilan ng mga tauhan ng Quezon City Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong isang linggo.

“Are they telling us now that the drug syndicates are better and have higher IQ than our police and PDEA? The criminals now outsmart our law enforcers?”

Ito ang ibinatong tanong ni ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo sa Philippine National Police (PNP) at PDEA matapos sabihin umano ng mga lider ng dalawang law enforcement agencies na posibleng pinaglaruan sila ng mga drug lord kaya nauwi sa madudong engkuwento ang kanilang operasyon.

Tila hindi ito nagustuhan ni Tulfo dahil sangkatutak aniya ang intelligence funds ng nasabing mga ahensya kaya tatandaan umano nila ang insidenteng ito sa susunod na budget hearing.

“We in this 18th Congress will remember these shootouts when the budgets, especially the intelligence funds components, of the PNP and PDEA are presented,” ayon sa mambabatas.

Hindi naniniwala ang mambabatas sa sinasabi ng PNP at PDEA na nagkaroon ang mga ito ng koordinasyon dahil hindi mauuwi sa engkuwentro ang operasyon kung nakipag-ugnayan sila sa isa’t isa.

“Last week’s shootout does not look like there was any hint of IQ,” dagdag pa ng mambabatas subalit malalaman at malalaman aniya ito sa sandaling matapos na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

 

IMPARTIAL
INVESTIGATION

Nauna rito, hiniling ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na iantala ng Kongreso at Senado ang kanilang imbestigasyon para hayaan ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Biyernes ng gabi ay pinulong ni Pangulong Duterte sa Malakanyang sina PNP chief Police General Debold Sinas, PDEA director general Wilkins Villanueva, Justice Secretary Menardo Guevarra at NBI deputy director for regional operations Atty. Antonio Pagatpat. Kasama rin ng mga ito si Senador Bong Go.

Ayon kay Sec. Harry Roque, hangad ni Pangulong Duterte na magkaroon ng “impartial investigation” sa PNP-PDEA shooting incident sa Quezon City.

Layon din aniya ng pangulo na maiwasan ang malilikot na pag-iisip ng publiko at para na rin aniya sa “peace of mind” ng mga biktima na ang nais ay patas na imbestigasyon.

Bukod dito, inatras na rin nina Sinas at Villanueva ang kanilang sanib-puwersang imbestigasyon.

Nabatid na hindi na rin tuloy ang imbestigasyon ng komite ni Senador Ronald dela Rosa sa Marso 2.

 

TIKLOP MUNA

Dahil dito, hindi matutuloy ang imbestigasyon ng Kamara na nakatakda sana ngayong Lunes.

Inanunsyo ito ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers noong Sabado matapos atasan ni Pangulong Duterte ang NBI na imbestigahan ang nasabing engkuwentro.

“Please be advised that in light of Pres DU30’s instruction to the NBI to conduct an impartial investigation on the PNP and PDEA incident, our scheduled Committee hearing/investigation in aid of legislation on Monday, March 1, 2021 , is temporarily suspended as a courtesy to and in order not to hinder the ongoing investigation…will keep you all posted on the developments,” ang advisory ni Barbers noong Sabado.

Magugunita na agad nagkasa ang Kamara at maging ang Senado ng imbestigasyon sa nasabing engkuwentro noong Miyerkoles ng hapon na ikinamatay ng dalawa sa panig ng PNP at dalawa sa PDEA.

Nais ni Barbers na alamin kung talagang may koordinaryon ang dalawang nabanggit na law enforcement agency laban sa ilegal na droga tulad ng sinasabi ng kanilang matataas na opisyal.

Naniniwala ang mambabatas na kung may koordinasyon tulad ng nakasaad sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay hindi sana naganap ang engkuwentro.

Bukod dito, gustong maestablisa ng mambabatas kung nilabag ng PDEA ang batas na nagbabawal sa kanila na magsagawa ng sell-bust at alamin kung bakit maraming matataas na opisyal ng PNP sa lugar kung saan nagkaroon ng engkuwento.

 

HINDI
MALINAW

Sa kabilang dako, inihayag ni Senador Panfilo Lacson na kailangang pagbutihin ng mga awtoridad ang mga polisiyang ginagamit sa operasyon laban sa ilegal na droga upang hindi na maulit ang madugong misencounter na nangyari sa pagitan ng mga operatiba ng PNP at PDEA.

Ayon kay Lacson, ang isa sa mga sistemang isinasagawa sa usapin ng ilegal na droga ay dapat ang PDEA ang magsisilbing “overseer” sa operasyon kung saan nakatutok lamang ito sa intelligence habang ang pagsalakay o pagtimbog ay ipauubaya sa mga sinanay na tauhan ng PNP.

“We have to resolve the trust issue between the PNP and PDEA. But it would be better if the PDEA acted as overseer in anti-drug operations, and focus on intelligence-gathering, whether it is technical or human intelligence,” paliwanag ni Lacson sa panayam sa kanya ng DZBB.

Ang nabanggit na sistema ay ginagamit na ng ibang bansang nagpapatupad ng seryosong kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon, nakikita ni Lacson na ang pamahalaan at mga mambabatas ay higit na mabilis mag-isip ng paraan para masugpo ang droga at maunahan ang mga sindikatong nasa likod ng mga ito.

“Kailangan ng gobyerno, kaming mga policy makers, two to three steps ahead sa iniisip ng sindikato,” banggit ng mambabatas.

Nagpahayag din ng suporta si Lacson sa Senate Bill 3 ni Senate President Vicente Sotto III, kung saan itatatag ang Presidential Drug Enforcement Authority bilang supervising agency, na magbubuo rin ng polisiya at istratehiya laban sa ilegal na droga.

Sa panig naman ng mga may pananagutan sa madugong engkuwentro ng PDEA at PNP, binanggit ni Lacson na dapat ay sampahan ang mga ito ng mga kasong kriminal dahil sa maraming buhay na nalagas sa insidente.

 

BIGONG
KAMPANYA

Nababahala rin ang mambabatas sa kinahahantungan ng kampanya ng kasaluyang administrasyon laban sa droga.

“Sad to say, the government’s anti-drug efforts have not succeeded. Otherwise, we would have made a big dent in the operations of drug syndicates. This is shown by the mere fact that shabu is still being sold and so many drug addicts are roaming the streets,” dugtong pa ni Lacson.

Simula nang ilunsad ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga noong Hulyo, 2016, ang naganap noong Miyerkoles pa lamang ang ‘matindi’ at ‘totoong’ engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA.

Noong 2020, ang nakabangga ng mga tauhan ng PNP ay apat na mga sundalo na kanilang napatay habang naniniktik laban sa drug lord. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)

Read More

UNIFORM TRAVEL PROTOCOLS SA LGUs

0

INAPRUBAHAN na rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang uniform travel protocols para sa lahat ng Local Government Units (LGUs).

Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang siyang gumawa ng uniform travel protocols “for land, air and sea” sa pakikipag-ugnayan sa Union of Local Authorities of the Philippines, League of Provinces of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at League of Cities of the Philippines.

Binanggit ni Presidential spokesperson Harry Roque ang ilang salient provisions ng nasabing travel protocol.

Kabilang na aniya rito ang hindi na required na sumailalim sa COVID-19 testing ang byahero maliban na lamang kung ang “LGU of destination’ ay humihingi ng testing bago ang pagbyahe.

Ang testing ay limitado lamang aniya sa RT-PCR test.

Hindi na rin required na sumailalim sa quarantine ang byahero maliban na lamang kung sila ay nagpakita ng sintomas pagdating sa “LGU of destination.”

Patuloy aniya ang pagpapatupad ng mahigpit na minimum public health standards, gaya ng physical distancing, hand hygiene, cough etiquette, at pagsuot ng face masks at face shields.

Mahigpit din aniyang ipatutupad ang clinical at exposure assessment sa lahat ng port of entry at exits samantalang ang health assessment ng mga byahero ay mandatory ” upon entry in the port/terminal at exit” sa point of destination.

Pagdating naman aniya sa kinakailangang dokumento ay hindi na required ang travel authority na galing sa Joint Task Force COVID Shield at hindi na rin required ang health certificates.

Ang mga Authorized Person Outside of Residence (APORS) na nagtatrabaho sa gobyerno ay kinakailangan magpakita ng identification card, travel order, at travel itinerary.

Kailangan din aniya ng mga ito na makapasa sa symptom-screening sa ports of entry at exit. (CHRISTIAN DALE)

Read More

PAGDATING NG UK VACCINE KINUMPIRMA

0

KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagdating sa bansa ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines ngayong Lunes, Marso 1, bandang 12:50 ng hapon.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kabahagi ito ng first round ng inilaan na doses na makukuha ng Pilipinas mula sa COVAX facility.

Mayroon aniyang inaasahan ang Pilipinas na 5.2 hanggang 9.2 milyong AstraZeneca dosages mula sa COVAX facility.

“This forms part of the 44 million doses of COVAX to inoculate 20% of our population. We thank the World Health Organization (WHO), the Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI), the Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI) and the United Nations Children’s Fund (UNICEF) towards this end,” ayon kay Sec. Roque.

Sa kabilang dako, nagpapasalamat naman ang pamahalaan kay Ambassador Cruz ng Inglatera dahil ang intercession aniya nito ang ang naging dahilan kung bakit napabilis ang pagdating ng AstraZeneca sa Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)

Read More

DELIVERY NG COVID VACCINES PINATITIYAK NA WALANG HADLANG

0

UMAPELA si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na tiyaking wala nang makahahadlang sa delivery ng COVID-19 vaccines na ibibigay sa mahihirap, vulnerable sector at seafarers na nasa priority list ng national vaccinations program ng gobyerno.

Ayon kay Go, naging positibo naman si Galvez sa apela ng seafarer groups na isama sila sa priority list.

Suportado ng senador ang pakiusap ng seafarers at ng iba pang sektor na natukoy bilang mga prayoridad sa bakuna, gaya ng frontliners, mahihirap at vulnerable sectors.

Ipinunto ni Go, chairman ng Senate committee on health, na ang seafarers ay may kritikal na papel sa shipping, kung saan ay limitado ang bakuna dahil sila ay palaging nasa malalayong lugar.

“Paghandaan na natin kung papaano magagawang available at accessible ang mga vaccines sa lahat, lalong-lalo na sa mga nasa malalayong lugar kung saan limitado ang access sa mga pangunahing serbisyo,” sabi ni Go.

“When the time comes that the vaccines are to be deployed, we must be ready to provide them to everyone regardless of where they live or whether they are rich or poor. Siguraduhin natin na walang maiiwan na Pilipino,” idiniin niya.

Bilang kasapi ng Senate committee on labor, idiniin ni Go ang kahalagahan ng shipping industry bilang source ng employment para sa Filipino seafarers.

Ang Pilipinas ay may tinatayang 385,000 seafarers o halos quarter ng global total na 1.6 million.

“Alalahanin po natin ang mga ordinaryong Pilipino. Pakinggan at intindihin natin kung saan sila nanggagaling.”

“Ngayon na napilitan ang karamihang umuwi dahil sa krisis at nawalan sila ng kakayahan para maghanapbuhay, responsibilidad natin na bigyang atensyon ang mga pangangailangan nila at tulungan silang makabangon mula sa kahirapan,” ang apela ni Go. (ESTONG REYES)

Read More

Kawayan gagamitin sa pandemic recovery SOFN NI NOGRALES SUPORTADO NG KABATAAN

0

IKINAGALAK ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang patuloy na pagdami ng mga kabataan na sumasali sa Save Our Forest Now Movement para sa reforestation sa lalawigan ng Rizal.

Kasabay nito, nais ng bagitong mambabatas na magkaroon ng kabuhayan ang mga taga-Rizal sa pamamagitan ng kawayan o bamboo na itinatanim sa mga kabundukan ng lalawigan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Ayon sa mambabatas, umaabot sa 500 kabataan mula sa bayan ng Rodriguez (Montalban) ang sumali sa pagtatayo ng mahigit 1,000 bamboo sampling sa tabi ng ilog at kabundukan sa Brgy. Mascap.

Mahigit doble ang bilang nito sa 200 kabataan na sumali sa unang isinagawang reforestation na nagtanim ng bamboo sampling sa Wawa Dam sa naturang bayan noong Disyembre.

“Nakakagalak po na mas marami pa sa ating kabataan ang interesadong makilahok sa kilusan para muling maging luntian hindi lang ang bayan ng Rodriguez, kundi ang buong Rizal,” ani Nograles.

“More of our youth are realizing their potential to be agents of change, and it is truly inspiring to witness them take our beloved province’s destiny into their own hands,” ayon pa sa mambabatas.

Sinimulan ng mambabatas ang reforestation sa nasabing lalawigan kung saan nagtatanim ang mga ito ng bamboo sampling upang maiwasan ang pagbaha at pagguho ng lupa kapag panahon ng bagyo o malakas na ulan.

Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ni Nograles sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Trade and Industry (DTI) para tulungan ang mga taga-Rizal na magamit ang mga kawayan para sa alternatibong kabuhayan.

“Bukod sa matibay na panangga sa pagguho ng lupa o “soil erosion” at pag-agos ng tubig-baha mula sa kabundukan sa panahon ng bagyo, ang kawayan ay maaaring maging kabuhayan,” ayon pa sa Harvard trained lawyer na si Nograles.

“Sapagkat likas na mayaman sa kawayan ang Montalban, hangad nating gamitin ito bilang puhunan sa kabuhayan,” dagdag ng mambabatas.

Nais nito na maging bamboo-processing hub ang Rizal sa hinaharap dahil mayaman ito sa kawayan sa halip na maging source ng raw material.

“With the help of these two departments that can provide us with technology and technical know-how, as well as strategic partnerships with the private sector, we plan on making bamboo a viable pillar in our pandemic recovery efforts,” paliwanag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

Read More

OBRERO SA TURISMO MAY P5K SA DOLE

0

HINIKAYAT ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa sa industriya ng turismo na kunin ang kanilang ayudang pinansiyal mula sa kagawaran.

Batay sa rekord ng DOLE, umabot pa lamang sa 171,000 manggagawa ng industriya ang nakakuha ng kanilang limang libong ayuda.
Naglaan ng P3 bilyon ang Kongreso sa Bayanihan to Heal as One Act, o Bayanihan Act 2, para sa 600,000 manggagawa sa industriya ng turismo.

Nakasaad sa Bayanihan Act 2, DOLE ang inatasang mamigay sa mga benepisyaryo ng P3 bilyon.

Ngunit, sabi ni DOLE Undersecretary Dominique Tutay, 400,000 ang makikinabang nito.

Ang nasabing ayuda ay siyang hakbang ng pamahalaan sa mga manggagawa sa industriya ng turismo na naging salat ang kita sa kasagsagan ng COVID-19. (NELSON S. BADILLA)

Read More

ANAK NG MAYOR, 1 PA PATAY SA AKSIDENTE

0

BATANGAS – Patay ang anak ng mayor ng San Pascual, Batangas at isang pedestrian sa isang vehicular accident sa National Highway sa Brgy. Soro-Soro, Batangas City noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng Batangas City Police ang biktimang sina Marc Patrick Dimayuga, 21-anyos, bunsong anak ni San Pascual Mayor Tony Dimayuga; at Nelson Gutierrez, 22-anyos, security guard, tubong Occidental Mindoro.

Batay sa report ng Batangas City Police, minamaneho ng biktimang si Dimayuga ang kanyang kotse nang mawalan ito ng kontrol matapos mag-overtake sa isa pang sasakyan bandang alas-5:00 ng hapon.

Nasagasaan nito si Gutierrez na noon ay nag-aabang ng sasakyang sa gilid ng kalsada.

Dahil sa bilis ng takbo, sumalpok pa ang kotse ni Dimayuga sa poste ng kuryente.

Sa lakas ng pagkasalpok, halos total wreck ang buong kotse.

Dead on the spot si Gutierrez habang nasawi habang isinusugod sa ospital si Dimayuga. (NILOU DEL CARMEN)

 

Read More

Sa pagsipa ng covid cases sa Navotas ‘PALENGKE HOLIDAY’ TUWING LUNES

0

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-016 na nagsasaad na tuwing Lunes, kailangang magsara ang mga public market, grocery, at talipapa para sa general cleaning at disinfection kasunod ng ulat ng City Epidemiology Surveillance Unit na tumaas ng 349% ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ayon sa alkalde, ang mga lugar at establisiyementong ito ay nananatiling puntahan ng maraming tao kaya mahalagang mapanatiling malinis ang mga ito.

Patuloy rin ang panawagan ng pamahalaang lungsod na sumunod sa safety measures, kasabay ng paghingi ng pakikiisa ng lahat.

“Tungkulin po natin na gawin ang lahat ng makakaya para maiwasan ang paglala ng hawaan. Kailangan magmalasakit po tayo sa isa’t isa. Kahit malakas po tayo at hindi natin iindahin kung magkaroon man tayo ng COVID-19, paano naman po ang iba na mahihina ang katawan at maaaring mamatay dahil sa sakit na ito?” ani Tiangco.

“Bawat isa ay may maitutulong para mapagtagumpayan natin ang laban sa pandemyaโ€”manatili sa bahay hanggang maaari, magsuot ng face mask at face shield, dumistansya ng 1-2 metro mula sa iba, at maghugas parati ng mga kamay. Malaki ang magagawa ng simpleng pagsunod natin dito para mapigil na ang hawaan at matapos na ang pandemyang nagpapahirap sa ating lahat,” patuloy ng alkalde.

Isa ang namatay, dalawa ang nagpositibo at 20 ang gumaling sa COVID-19 sa Navotas noong Pebrero 27.

Umabot na sa 6,507 ang tinamaan ng COVID sa Navotas. Sa bilang na ito ay 5,563 ang gumaling, 193 ang namatay at 301 ang active cases. (ALAIN AJERO)

 

Read More