UMABOT sa 218 indibidwal ang naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) sa loob lamang ng isang linggong serye ng operasyon laban sa kriminalidad sa lungsod.
Ayon kay QCPD Acting District Director PCol. Randy Glenn Silvio, mula Enero 26 hanggang 31, 2026 ay naaresto ang 82 drug suspects, 84 wanted persons, 47 sugarol, at 5 indibidwal sa kasong illegal possession of firearms at iligal na droga.
Sa ulat, nagsagawa ang pulisya ng 50 anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 82 suspek at pagkakakumpiska ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P656,316.
Isinagawa rin ang manhunt operations na humantong sa pagkakahuli ng 84 wanted persons, kabilang ang 53 most wanted persons at 31 pang wanted sa iba’t ibang police stations ng lungsod.
Dagdag pa rito, limang anti-illegal firearms operations ang ikinasa na nagresulta sa pag-aresto ng limang suspek at pagkakasamsam ng limang baril.
Habang sa 29 anti-gambling operations, 47 indibidwal ang nadakip at P17,995 na bet money ang nasamsam.
Binigyang-diin ni PCol. Silvio na tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga operasyon ng QCPD upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa Quezon City.
(PAOLO SANTOS)
1
