22 crew at pasahero nasagip BANGKA SA QUEZON LUMUBOG, 1 NALUNOD

QUEZON – Nasagip ang 17 pasahero at limang crew habang isa ang nalunod nang lumubog ang isang bangka makalipas ang isang oras nang makaalis ito sa pier ng bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Ayon sa Atimonan Police, patungong bayan ng Perez sa isla ng Alabat ang motorboat na MB Gesu Bambino nang ito ay lumubog, 500 metro pa lamang ang layo sa port matapos hampasin ng malalaking alon dakong alas-11:30 ng umaga.

Agad itong sinaklolohan ng ilang sasakyang pandagat na malapit sa kinalubugan, kabilang ang MV Pinoy RORO ng Jenalyn Shipping Lines, at isang cargo boat na MV CA John Daniel.

Matapos ang isang oras ay matagumpay na naisalba ang lahat ng sakay ng bangka at dinala sa ospital para masuri ang kanilang kalagayan.

Ngunit ayon pa sa report, bago pa man umalis sa Atimonan port ang bangka ay nawawala na ang isang crew nito na kinilalang si Jommel de Leon Del Moro, 45-anyos, residente ng bayan ng Perez.

Habang nakadaong pa ang bangka, dakong alas-10:30 ng umaga, tumalon umano ito sa tubig upang ayusin ang napatid na lubid ng angkla nito. Ngunit dahil sa malalaking alon, hindi na lumitaw ang biktima.

Dahil sa patuloy na pagsungit ng panahon, ipinasya ng kapitan ng bangka na tumuloy na sa paglalayag kahit nawawala pa ang crew hanggang sa abutin ito ng trahedya.

Dakong alas-3:00 naman ng hapon nang marekober ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nalunod dahil sa masungit na karagatan. (NILOU DEL CARMEN)

180

Related posts

Leave a Comment