ISINAILALIM sa lockdown ang Building 4 ng NavotaAs Homes-2 sa Brgy. Tanza 2 mula nitong Linggo alas-5:01 ng umaga, Setyembre 6 hanggang Setyembre, alas-59 ng gabi.
Ito ay ayon sa Executive Order No. TMT-046, series of 2020 na inilabas ni Mayor Toby Tiangco matapos na 25 residente ng nasabing gusali ang magpositibo sa COVID-19 nitong Agosto, nabatid sa ulat ng City Health Office.
“Lahat ng mga residente ng Building 4 ay dapat manatili sa bahay. Lahat din ay kailangan sumailalim sa swab test. Sinumang magpositibo ay dadalhin agad sa Community Isolation Facility. Bibigyan din ng relief packs ang mga miyembro ng kanilang pamilya na maiiwan sa bahay,” anang alkalde.
Kaugnay nito, ang mga may trabaho o negosyo o yaong mga essential worker na exempted ng IATF lamang ang makapapasok sa trabaho kapag nagnegatibo sa swab test; at dapat ay may dala silang valid company ID o certificate of employment.
Kapag papasok sa trabaho, kailangang nakasuot sila ng mask na natatakpan ang ilong at bibig, sumusunod sa 1-2 metrong social distancing, hindi namamalagi sa matataong lugar, at palaging maghuhugas o mag-aalkohol ng mga kamay.
Samantala, maaari nang magbukas ang mga piling establisiyemento sa Navotas gaya ng mga barberya, parlors, nail salons at derma clinics, habang mananatiling sarado ang mga gym, internet cafes, tutorial centers at pet grooming services, ayon sa pamahalaang lungsod ng Navotas.
Hanggang 30% porsyento ng kapasidad ang pinapayagan sa mga barberya, parlors at salons at limitado ang serbisyo sa paggupit at pagkulay ng buhok. Ang mga nail salon ay maaari ring magbukas sa 30% operational capacity at pwedeng mag-manicure, pedicure, at spa services ng kamay at paa.
Obligadong magsuot ng face mask sa lahat ng pagkakataon ang mga kawani ng mga nasabing establisiyemento gayundin ang mga kostumer.
Napagdesisyunang delikado ang iba pang serbisyo sapagkat magtatagal sa establisiyemento ang mga kostumer at mawawala ng physical distancing sa pagitan ng mga kostumer at kliyente.
Ang mga derma clinic ay pwede lamang mag-operate “by appointment” at para lamang sa paggamot ng mga sakit sa balat.
“We decided to place restrictions on these establishments to ensure the steady decline in our positivity rate. We need to further control the transmission of the virus before we can open more non-essential businesses,” sabi ni Mayor Toby Tiangco.
“Like our schools, tutorial centers can adopt distance or online learning, so they do not need to conduct face-to-face classes. Their clients, mostly young learners, are also barred from leaving their homes because of our 24-hour curfew for minors. The same goes for internet cafes and computer shops that mostly cater to young clients,” anang alkalde.
Para sa mga gym at sports facilities, sinabi ni Tiangco na maaaring mag-ehersisyo ang mga Navoteños sa kanilang bahay at maaari pang hikayating sumali ang mga kapamilya para mapanatili ang malusog na pamumuhay ng buong pamilya. Ang pet grooming services ay napagdesisyunan ding maaaring makapaghintay dahil maaaring ang mga may-ari ng alagang hayop na na ang mag-groom sa kanilang mga alaga at maiiwasan ang paglabas ng bahay.
Hanggang Setyembre 5 ay 4,473 na ang mga nagpositibo sa Navotas matapos dumagdag ang 21 kaso at isa sa mga ito ang namatay habang 31 naman ang gumaling. Sa kabuuan ay 3,915 na ang gumaling sa mga tinamaan ng COVID sa Navotas, habang 432 ang active cases at 126 na ang namatay.
Sa ulat naman ng Navotas City Police, 51 menor de edad at 30 adult ang nahuli dahil sa paglabag sa curfew. “Pababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. Ngunit kailangan pa rin ng pagsasakripisyo para mas lalo pa itong bumaba. Hinihingi po namin ang iyong lubos na suporta at kooperasyon. Kailangan tuloy-tuloy ang ating pag-iingat para di na lumobo pa ang bilang ng mga nahahawaan ng virus. Sundin parati ang ating safety measures at mga patakaran para manatiling ligtas sa COVID-19. Pakikiisa ang tatapos sa pandemya,” ani Tiangco. (ALAIN AJERO)
165
