250K VACCINATIONS KADA ARAW ILALARGA

NAPAGKASUNDUAN ng Metro Manila mayors na ikasa ang 250,000 vaccinations kada araw sa loob ng dalawang linggo habang nakataas ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) simula Agosto 6 hanggang 20, 2021.

Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos Jr. na tinalakay ng local chief executives ang target numbers ng pagbabakuna, financial aid, at border controls sa kanilang pulong noong Biyernes ng gabi.

“Nag-meeting lamang kami para paghandaan talaga ang mangyayari in the next several days dahil mabigat ito, magbabakuna kami ng 250,000 a day,” ayon kay Abalos.

“At the same time, ‘yung mga kaakibat na ayuda ay pinag-usapan din, ‘yung magiging listahan dito, ‘yung magiging preparasyon dito at kung papaano ang mga border controls,” dagdag na pahayag nito.

Bukod sa Metro Manila mayors, dumalo rin sa pulong sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., testing czar Vince Dizon, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at Interior Secretary Eduardo Año.

Binigyang katuwiran naman ni Abalos ang muling pagpapatupad ng “strictest quarantine classification” sa Kalakhang Maynila.

Aniya, ang COVID-19 cases sa rehiyon ay maaaring umabot sa mahigit 28,000 “by August 15”, mahigit 85,000 “by August 31”, mahigit 234,000 “by September 15”, at mahigit 510,000 “by September 30” dahil sa pagpasok ng mas maraming nakahahawang Delta coronavirus variant. (CHRISTIAN DALE)

99

Related posts

Leave a Comment