PINAPURIHAN nina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at Interior Secretary Eduardo Año ang Commission on Elections (Comelec) at ang mga ahensiya na nagbigay ng seguridad para sa halalan kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Sec. Esperon, naging efficient ang sistema sa automated election system at naging napakabilis ang transmission at paglalabas ng resulta ng local elections.
Nilinaw rin ni Esperon na maliit na porsyento lamang o wala pa sa 1% sa kabuuang bilang ng VCMs na nagkaroon ng aberya ang ginamit sa kasagsagan ng political exercise.
Kaugnay nito, ibinulgar din ng NSA ang libu-libong pagtatangka para i-hack ang sistema subalit hindi aniya nagtagumpay ang mga ito sa kanilang hacking attempts.
Napigilan ng pamahalaan ang nasa mahigit 20,000 pagtatangka na i-hack ang automated system bago at sa kasagsagan ng May 2022 national and local elections sa bansa, ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
Kaugnay nito, sinabi nina Esperon at Año na maituturing pa ring generally peaceful ang nagdaang eleksyon 2022.
Hindi umano hamak na kakaunti ang naitalang election related incidents nitong 2022 elections kumpara noong 2010 at 2016 elections, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año.
Ayon kay Sec. Año, 27 ang naitalang insidente noong mismong araw ng halalan nitong May 9 na nagresulta sa pitong namatay at 33 nasugatan. (JESSE KABEL)
