SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
HINDI pa talaga tapos ang pandemya.
Tuloy-tuloy ang krisis at maraming nagugutom.
Kaliwa’t kanan ang mga nakatira sa lansangan.
Maraming halos walang makain.
Nabunyag pa nga na tinatayang nasa 3.2 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa industriya ng online o e-sabong ang apektado sa pagpapasara ng mga operasyon nito sa bansa, higit dalawang buwan matapos itong ipagbawal ng pamahalaan.
Bago umalis sa puwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinatigil nito ang e-sabong operations.
Bukod daw sa mga empleyado ng mga lisensiyadong operator ng e-sabong, aba’y ilang mga magsasaka, nagbebenta at bumibili ng mga panabong na manok, mga producer ng feeds, at mga beterinaryo na rin ang umaaray makaraang ibawal ang kanilang operasyon.
Masaklap dahil ilang micro and small enterprises din gaya ng mga tindahan ng pagkain na kumikita tuwing may laban sa mga sabungan, ang nakararamdam ng pagbagal ng kanilang negosyo.
Talagang mahina.
Halos wala na raw bumibili, hindi katulad ng dati.
May ilang online betting stalls na rin ang napilitang magbawas ng tao mula noong Mayo, taong kasalukuyan.
Kung hindi ako nagkakamali, kasama sa mga nagtanggal ng mga empleyado si Elvira Tan, may-ari ng isang tayaan sa Quirino Avenue, Quezon City.
Naku, napilitan siyang magbawas ng mga trabahador dahil wala na siyang ipasasahod sa mga tauhan niya.
Nangyari ito, siyempre, noong ipagbawal ang e-sabong.
Naaawa sana siya pero wala naman siyang magagawa.
Lugi rin naman siya kung papapasukin niya ang mga ito kahit walang operasyon ang e-sabong.
Para siyang dumampot ng bato at ipinukpok sa kanyang ulo.
Ganyan katindi ang epekto ng pagkawala ng e-sabong sa marami nating mga kababayan.
Kaya marami ang umaasa na magbabalik din ito.
Tulad sana ng turismo at iba pang industriya, babangon din ito at mabubuhay muli.
May karugtong pa ito.
Abangan!
