3-ANYOS NASAGASAAN SA MISMONG KAARAWAN

CAVITE – Namatay ang isang 3-anyos na babaeng paslit makaraang masagasaan ng isang Toyota Hi-Ace van sa mismong kanyang kaarawan sa Trece Martires City, sa lalawigang ito.

Ang biktimang si Camille (‘di tunay na pangalan) ay nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital dakong alas-5:05 ng hapon noong Sabado.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng isang Toyota Hi-Ace van na si Ulysses Villardo, 54, ng Brgy. Aguado, Trece Martires City.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Rene Bibon ng Trece Martires City Police, dakong alas-4:30 noong Sabado ng hapon nang mangyari ang insidente sa Phase 2B Road, Brgy. Conchu ng nabanggit na lungsod habang naglalaro ang biktima sa bakuran ng kanilang bahay hanggang mapadako sa isang tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Patungo naman sa direksiyon sa bayan ng Indang ang minamanehong Hi-Ace van ng suspek nang hindi umano nito napansin ang papatawid na bata dahilan upang masagasaan nito.

“Yung lugar kasi ‘yun ay medyo paahon kaya hindi napansin ng driver ang pagtawid ng bata na galing sa likurang bahagi ng tricycle,” ayon kay Bibon.

Mismong ang driver ng van ang pumulot sa biktima at dinala sa ospital ngunit namatay ito habang nilalapatan ng lunas.

Nabatid na parehas wala sa kanilang bahay ang mga magulang dahil nagtratrabaho ang mga ito sa Maynila at habang ang kapatid na babae na nag-aalaga sa bata ay may sakit nang mangyari ang insidente sa mismong kaarawan ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)

154

Related posts

Leave a Comment