3 ARESTADO SA P1-M SHABU SA MAKATI

NADAKIP ang tatlong drug suspect at nakumpiska ang mahigit sa P1 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation ng magkasanib na puwersa ng Quezon City Police District Kamuning Police Station 10 at Southern Police District Makati Police Station noong Huwebes ng gabi sa Makati City Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) P/BGen. Ronnie Montejo, ang mga suspek na sina Cristina Taculod, 30-anyos; Rodelio Ramos, 39-anyos, kapwa mula sa Makati City, at isang 15-anyos na dalagita.

Sa ulat ng QCPD PS-10, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Bernouli Abalos, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa kanilang regular confidential informant na nagsabing may illegal drug peddling activities ang mga suspek sa area ng Brgy. Rizal, Makati City.

Dahil dito, nagkasa ng joint buy-bust operation ang Station Drug Enforcement (SDEU) Unit ng QCPD PS 10 at SPD Makati Police Station, dakong alas-7:25 ng gabi noong Agusto 20, sa harap ng Blk.

317, Lot 10, Mockingbird St., Brgy. Rizal, Zone 9, Makati City.

Isang police poseur buyer ang bumili ng P70,000 halaga ng shabu mula sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Bukod sa buy-bust money, nasamsam din sa mga suspek ang 150 gramo ng umano’y shabu na P1,020,000 ang halaga, at tatlong cellular phones.

Ang dalawang suspek ay kinasuhan sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang menor de edad ay dinala sa Social Services Development Department (SSDD) para sa kaukulang disposisyon. (JOEL O. AMONGO)

250

Related posts

Leave a Comment