UMABOT sa 217 kilo ng marijuana bricks na tinatayang P26 milyon ang halaga ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa Balintawak, Quezon City noong Linggo, Nobyembre 29.
Kabilang sa ikinasang drug bust, sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief, Gen. Debold Sinas, ang Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office, Highway Patrol Group (HPG), Laloma Police Station 1 ng Quezon City, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“The PNP has relentlessly pledged to come to terms with the President’s campaign program to eradicate illegal drugs with our almost daily accomplishments of major significance in this regard. The success in this endeavor would not have been achieved without the stronger cooperation between PNP units and the PDEA to seriously hit the use and selling of illegal drugs in the country,” ani Sinas.
Kasabay nito, binati ni Sinas ang operating units ng PNP sa kanilang inisyatiba bilang bahagi ng pagbabawas ng supply ng shabu at marijuana sa holiday season.
Kinilala ni Sinas ang mga suspek na sina Dianne Cambalicer, 37-anyos, negosyante; Louie Cuerdo, 29-anyos, driver, at isang nagngangalang Angelo, nadakip sa Brgy. Apolonio Samson, Balintawak, Quezon City dakong alas-7:00 ng umaga.
Ang mga arestado at ang nakumpiskang mga ebidensiya ay dinala sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa Camp Crame para dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
“We encourage our law-abiding citizens to be vigilant in watching over the ‘new normal’ operations of illegal drug syndicates as the PNP will further intensify hunting the high-value targets so that we could prevent them from destroying the lives and future of our children,” dagdag pa ni Sinas. (JOEL O. AMONGO)
