3 ARESTADO SA PAG-ABANDONA SA LOLA

ARESTADO sa follow-up operation ang tatlong lalaki, kabilang ang pamangkin ng isang 60-anyos na lolang Chinese na inabandona sa tunnel sa MacArthur Bridge sa Sta. Cruz, Manila noong Miyerkoles, Setyembre 2.

Ayon sa Manila Welfare and Social Development, isang Christian Enchaw ang nag-post sa social media hinggil sa isang matandang Chinese national na inabandona sa nasabing lugar.

Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT)

Sa pamamagitan ng CCTV ng Barangay, nakita ang isang tricycle na sakay ang biktimang si Fulgencia Tan.

Ayon kay P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-SMaRT, una nilang nadakip si Rogelio Espino y Calawacan, 53, tricycle driver, ng Brgy. Graceville, Phase A-1, San Jose Del Monte, Bulacan.

Sumunod na inaresto ay si Gng. Emerita Decillo y Isidro, 60-anyos, ng #717 Benita St., Gagalangin, Tondo.

Tanghali nitong Biyernes, Setyembre 4, bandang 11:00 ng umaga nang nang arestuhin naman ang umano’y mastermind na si Ephraim Tan Yap, 51-anyos, pamangkin ng biktima at residente sa #326 Rellington Building, Binondo, Manila.

Depensa ng pamangkin ng biktima, tatlong linggong na-confine ang biktima sa Metropolitan Hospital at umano’y siya na ang tumitingin sa kanyang tita mula nang mamatay ang asawa nito.

Dugtong pa ni Ephraim, nilapitan umano niya si Mrs. Emerita Decilio (Emie) at nagpatulong na dalhin ang biktima sa Missionary of Charity.

Ayon rin sa kanya, inabutan niya si Mrs. Decilio ng P1,500 upang makabili ng pangangailangan ng kanyang tita.

“Lumapit po ako kay Emie, pagtapos po noon pumunta kaming barangay para sa certification na inaabandona ko na ang auntie ko. Kaya humingi po ako ng tulong para maipadala siya sa mga center,” dagdag pa nito.

“Mayroon na po akong certificate sa barangay na si Mrs. Tan ay abandoned kaya kailangan tanggapin ng Missionary of Charity kasi abandoned na,” paliwanag naman ni Mrs. Decilio.

“Pero wala pong tumanggap sa ‘min, kaya desperado na po ako. Aaminin ko po iniwan ko po,” dagdag pa ni Mrs. Decilio.

Ayon kay SMaRT Chief Rosalino Ibay Jr., haharap ang mga suspek, kabilang ang driver ng tricycle na inarkila ni Mrs. Decilio na si Espino, sa kasong paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code o ‘Abandonment of persons in danger and abandonment of one’s own victim.’

“Nalaman natin na ang victim ay isang Person with Disability at senior citizen. We conducted a follow-up operation na nagresulta sa pagkaka-aresto ng tatlong suspek. (RENE CRISOSTOMO)

93

Related posts

Leave a Comment