ARESTADO ang tatlo katao, kabilang ang may-ari ng printing press, sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District dahil sa paggawa ng pekeng vaccination cards sa Quiapo, Manila noong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Rafael Cayabyab, 41, may-ari ng Lakay Printing Services sa #314 Quezon Boulevard sakop ng Barangay 353, Quiapo, Manila; Ricardo Lugtu, 25, binata, graphic artist at Samil Asmadi, 23, helper.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Ramon Nazario, commander ng MPD- Barbosa Police Station 14, bandang alas-7:20 ng gabi nang ilatag ang buy-bust operation hinggil sa natanggap nilang info txt mula sa isang concerned citizen.
Bunsod nito, nagpanggap na magpapagawa ng vaccine card si P/Cpl. Rolly Mendaño kapalit ng P500.
Nang tanggapin ng mga suspek ang buy-bust money kapalit ng pekeng vaccination card, ay agad inaresto ang mga ito ng mga awtoridad.
Nauna rito, isang concern citizen ang nag-text sa “I-report mo kay Tsip Hotline” na ang mensahe ay “May Info po ako na gumagawa ng mga pekeng vaccine card, ang dami pong nagpapagawa sa kanila, sa Marantao Lodge sa Globo De Oro St., positive po ‘yan Sir”. (RENE CRISOSTOMO)
209
