3 BARKO NG CHINA NAMATAAN MALAPIT SA ZAMBALES

TATLONG barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang nakita sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas malapit sa Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Linggo.

Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for the West Philippine Sea (WPS), ang PCG vessel BRP Cabra (MRRV-4409) ay “patuloy na aktibong hinahamon at hinaharangan ang pag-abante ng CCG vessel CCG-21562.”

Binanggit din niya na sinusubaybayan ng PCG ang dalawang iba pang CCG barko, ang CCG-3305 at CCG-4305, sa pamamagitan ng radar sa mga katubigan malapit sa Zambales.

Giit ni Tarriela, ang presensya ng mga barkong ito ay “labag sa batas na paglusob sa soberanong katubigan ng Pilipinas, na malinaw na lumalabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa 2016 Arbitral Award na nagpawalang-bisa sa labis na pag-aangkin ng Tsina sa West Philippine Sea.”

Sinabi ng opisyal na patuloy na ipagtatanggol ng coast guard ang mga soberanong karapatan at hurisdiksyon ng bansa, at “hindi papayagan ang anomang pagtatangka na baguhin ang status quo sa baybayin ng Luzon sa pamamagitan ng panghihimasok.”

(JOCELYN DOMENDEN)

53

Related posts

Leave a Comment