LAGUNA – Patay ang magkapatid na menor de edad at isang lalaking nagtangkang sumagip sa mga ito nang malunod sa umapaw na ilog sa Calamba City sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa report ng Calamba City Police, nangyari ang insidente sa San Cristobal River, Brgy. Banlic, alas-8:00 ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Jessie Lalap, 16; Jhone Ashly Lalap, 12, at Dennis Espinosa, 30, pawang taga Barangay Banlic.
Una umanong tumawid ang magkapatid sa ilog upang sumunod sa kanilang tatay na nanghuhuli ng isda sa kabilang ibayo.
Ngunit naanod ng agos ang dalawa patungo sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad sumaklolo si Espinosa ngunit nalunod din ito matapos hindi kayanin ang malakas na agos ng tubig.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng iba’t ibang rescue group sa Calamba City at mga tauhan ng BFP, LDRRMO at Philippine Coast Guard.
Bandang alas-10:30 ng umaga nang marekober ang wala nang buhay na sina Jessie at Espinosa habang nitong Sabado ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni John Ashly. (NILOU DEL CARMEN)
223 