TATLONG 40-foot containers ng misdeclared fresh carrots mula sa China, ang nasabat ng BOC-Port of Manila.
Ayon kay District Collector Alexander Gerard Alviar, nadiskubre ang mga karot na nagkakahalaga ng mahigit P13.2 milyon, noong Oktubre 17 matapos ilabas ang Alert Order dahil sa derogatory report.
Batay sa deklarasyon, nakasaad na bathroom fixtures, napkins at storage boxes ang laman ng shipment ngunit sa aktwal na inspeksyon ay nadiskubreng puro sariwang karot ang laman.
Ayon naman kay Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, nakahanda na ang mga legal na aksyon laban sa mga responsable, at tiniyak niyang paiiralin ang due process sa kaso.
Maglalabas din ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, partikular sa misdeclaration at kawalan ng import permit.
Samantala, ipinahayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang operasyon ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang lokal na mga magsasaka at tiyakin ang patas na kalakalan.
(JOCELYN DOMENDEN)
