TATLO katao ang nadakip nang salakayin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – Calabarzon ang hide-out ng umano’y criminal group na nagtatago ng sari-saring armas at pampasabog sa Barangay Anastacia, Tiaong, Quezon noong Huwebes ng umaga.
Sa bisa ng search warrant hinggil sa paglabag sa RA 10591 (The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na inisyu ni Executive Judge Dennis Galahad Orendain ng Regional Trial Court, Lucena City, Quezon, nadakip ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Ritzelda Herrera, 50; John Gilbert Herrera, 30, at Von Vincent Herrera, 22-anyos
Nakatakas naman ang isa pang suspek na si Vicente Alermo Herrera, 52-anyos.
Nasamsam sa kanilang pinagtataguan ang sari-saring mga armas at pampasabog tulad ng tatlong hand grenades, tatlong 12-gauge shotguns, isang US Carbine, isang cal. 9mm pistol, tatlong cal .45 pistols, isang cal. .22 Magnum revolver, limang cal. .38 revolver, isang cal. .45 Thompson sub-machine gun at mga bala.
Nabatid sa imbestigasyon, kabilang ang mga suspek sa Manalo-Briones crime group na sangkot sa gun-for-hire at gun running activities sa buong rehiyon ng Calabarzon. (CYRILL QUILO)
181 