PAGSUSUMIKAPAN ng mga tauhan ng Manila Police District- Moriones Police Station 2 na mapabilis ng 3 minuto ang ‘response time’ sa 74 barangay sa Tondo, Manila.
Ito ang ibinida ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay, Jr., Station Commander kaugnay na rin ng direktiba ni MPD District Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon.
Paalala ng heneral, ang mga pulis ay dapat approachable o madaling lapitan, presentable, laging nasa area nila at higit sa lahat dependable o maaasahan, na 24/7 nakabantay sa kanilang mga nasasakupan.
Ganito rin ang tagubilin ni PNP Chief Police Director General Benjamin Acorda Jr. Dapat aniyang magkaroon ng mabilisang pagresponde sa anomang krimen at kailangan ang presensya ng pulis sa bawat lugar na crime-prone.
Ayon pa kay Ibay, 80% ng pulis ang kailangan nasa labas ng istasyon ng pulisya at ginagawa ang mga nakaatang na tungkulin habang ang 20 porsiyento ay sa loob ng kanilang istasyon upang tugunan ang iba pang lumalapit sa kanila.
Kapag aniya may nag-report sa kanila ng anomang krimen, kailangan sa loob ng 3 minuto nakaresponde na ang kanyang mga tauhan. Sa 3-minute response time na isinasagawa ng Moriones PS-2, ang mabilis na makalulutas ng mga krimen at maraming buhay ang maililigtas.
Ipinatutupad din ng kapulisan ang ‘Alert sentinel’, na sa bawat PCP, ‘di na kailangan nasa loob ng istasyon ang mga pulis kundi nasa at nagbibigay ng police assistance sa mga complainant.
Kabilang sa gawain at responsibilidad ng pulis ang ‘Police Assistance Desk’ (PADS), ang makapagbigay ng strategic position para sa police assistance desk.
Mayroon din silang ‘Line Beat Patrol’. Ang ‘Alert Team’ naman ang responsable sa pagmo-monitor sa mga barangay at establishment visitation at iba pang police activities.
Samantala, ang tungkulin ng Tactical Motorcycle Riders Units (TMRU) ay magsagawa ng Oplan Sita, Oplan Bakal at Motorcycle patrol.
Ang lahat ng teams ay may gamit na handheld radio at long firearms.
Layon ang Moriones Tondo Police Station Security na magbigay ng strategic police visibility at presensya sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng nasabing lugar.
Dagdag pa ni Ibay, sa mabilis na pagtugon sa mga sumbong ay madali ring maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan.
Suportado naman ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang Shield Security Plan sa pamumuno ni Ibay para sa kapayapaan at kaayusan ng isang lugar.
Noong Hunyo 26, 2023, nagsagawa ng dayalogo sina General Dizon, PLTCol Ibay, kasama ang mga Section Chief, PCP Commanders, SESPO, SCADS Personnel sa pangunguna ng Police Captain Leonardo Blanco Jr., Chief SCADS, Rev. Pastor Arnulfo Macarangal at Cecille Enriquez, Assistant Principal at Barangay Officials sa ilalim ng District 2 City of Manila kaugnay ng Ugnayan ng Kapulisan sa Barangay.
Tinalakay rito ang mga isyu at concern sa loob ng kani-kanilang barangay na ginanap sa St. Paul Auditorium, St Paul Grade School, sa Sta Maria Street, Tondo Manila.
(RENE CRISOSTOMO)
518