3 MIYEMBRO NG JERICO CRIMINAL GROUP LAGLAG SA CIDG-NCR

TATLONG kilabot na miyembro ng Jerico criminal group na sangkot sa gun for hire, gun running at illegal drugs activities ang nasakote ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-Regional Field Unit NCR sa No. 35 CMLI Compound, Sitio Belmonte, Brgy. Bagong Pag-Asa, Quezon City.

Ayon kay PNP-CIDG-NCR Regional Field Unit chief,  Police Col. Randy Glenn G. Silvio, ipinatupad ng kanyang mga tauhan ang kanilang CIDG Flagship Project on OPLAN PAGLALANSAG OMEGA, OPLAN BIG BERTHA at Oplan  SALIKOP noong Martes.

Nagresulta ito sa pagkakadakip sa tatlong suspek dahil sa paglabag sa Sec. 32 ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Sec. 13 at 14 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002).

Ayon sa isinumiteng ulat ni Col. Silvio kay PNP CIDG Director, Police Maj. General Eliseo DC Cruz, kinilala ang mga nadakip na sina Paulo Acera y Guiuo, 22; Cherry Acera y Guiuo, 37, at Rex Rodavia y Lacano, 34-anyos.

Ayon kay Col. Silvio, si Paulo ay kabilang sa Jerico criminal group na sangkot sa  gun running, gun for hire at pagtutulak ng illegal drugs at palit-baril na kumikilos sa Quezon City base sa kanilang  Information Report No. NCRCIDU CMM – 21-12-010 dated December 31, 2021.

Agad inilatag ng CIDG Quezon City District Field Unit ang entrapment/gun buy-bust operation kung saan isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at isang confidential informant ang nakipagtransaksyon kay Paulo para bentahan sila ng cal. 38 revolver.

Inimbitahan naman sila ni Paulo sa kanyang bahay para roon mag bayaran kung saan inabutan nila ang dalawang suspek na nasa aktong nagpa-pot session.

Matapos na magkabayaran, inabot ng suspek na si Rex Rodavia ang baril na isinilid sa isang sling bag. Sa pamamagitan ng pre-arranged signal (missed call) ng poseur buyer ay agad na sumalakay ang mga tauhan ni Col. Silvio at dinakip ang tatlo. (JESSE KABEL)

262

Related posts

Leave a Comment