NAHULOG sa bitag ng mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Manila Police District ang tatlong lalaki na namemeke umano ng lisensya at iba pang dokumento sa isang bahay sa Vision Street, Sta. Cruz, Manila, Martes ng gabi.
Sa ulat ni Police Major Rommel Purisima, hepe ng DSOU, kay MPD – Director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon, alas-7:00 ng gabi nang magpanggap ang isa nitong tauhan na magpapagawa ng driver’s license.
Kinagat naman ng mga suspek na kinilala lamang “Jo-An”, 42,negosyante, “Kino Hero,” 30-anyos at “Renz” ang ipinain ng mga awtoridad.
Ayon kay Major Purisima, isinagawa ang entrapment operation sa pamamagitan ng isang mapagkakatiwalaang impormante sa Barangay 341, Sta. Cruz.
Si Jo-An ang itinuturong nagmamay-ari ng pagawaan ng pekeng lisensya at dokumento.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO), pinuri at pinasalamatan ni General Dizon ang pagtupad ng mga tauhan ng DSOU sa programa nito na “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti – Criminality Law Enforcement Operation o SACLEO.
(RENE CRISOSTOMO)
