3 NOMINADO PASOK SA PANGUNGUNA NG AKBAYAN PARTY-LIST

INTRAMUROS, Maynila — Nakatakdang pumasok ang unang nominado ng Akbayan party-list na si Atty. Jose Manuel Tadeo ‘Chel’ Diokno, kasama ang dalawa pang nominee ng grupo bilang kinatawan sa Kamara de Representantes.

Nanguna ang Akbayan Citizens’ Action Party sa hanay ng mga party-list group na lumahok sa midterm elections na isinagawa nitong nakaraang Mayo 12 makaraang makakuha ng 2.2 milyong boto sa partial count ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na humigit sa 2 porsyentong threshold na itinakda para magwagi ang alin mang grupo sa halalan ngayong taon.

Sa pangunguna ng Akbayan, ito ang kauna-unahang pagkakataong mananalo si Diokno para sa public office makaraang mabigo sa dalawang beses na pagtakbo bilang senatorial candidate.

Kukunin ng abogado ang isa sa tatlong tiyak na slot sa Mababang Kapulungan habang ang ikalawa at ikatlo ay mapupunta kina Percival Cendaña at Haima Kiram Ismula, respectively.

Nakamit ng Akbayan ang 2,204,516 boto o 6.54 porsyento ng mga boto na nabilang kahapon ng hapon sa 80.44 porsyentong presinto. Pumangalawa dito ang Duterte Youth na may 1,872,650 boto.

Batay sa alituntunin ng party-list system, kailangan na makamit ang hindi bababa sa 2 porsyento ng kabuuang bilang ng mga boto upang magkaroon ng puwesto sa Kongreso.

Gayunpaman, maaaring magtalaga ng puwesto pa rin ang Commission on Elections (Comelec) sa ibang grupo na mababa ang porsyento upang mapunan ang 20 porsyentong quota ng party-list representation sa Mababang Kapulungan.

Si Diokno ang chairman ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na tumutulong sa mga human rights activist at journalist at isa ito sa mga organisasyong humamon sa legalidad ng giyera kontra droga ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Korte Suprema.

Dating matunog na tinig ang Akbayan sa Kamara simula pa noong 1998 subalit napatigil ito makaraang matalo sa eleksyon noong 2019 at 2022.

Ang highest-ranking elected official ng grupo ay si senadora Ana Theresia ‘Risa’ Hontiveros-Baraquel, na kasalukuyang nasa ikalawang termino at itinuturing na nag-iisang lehitimong oposisyon sa Senado.

77

Related posts

Leave a Comment