3 PASAHERO PATAY SA SINUNOG NA BUS

NORTH COTABATO – Naabo ang tatlo katao makaraang silaban ng hindi kilalang suspek ang isang bus ng Yellow Bus Lines Incorporated (YBL) sa bahagi ng national highway na sakop ng Barangay Bialong sa bayan ng M’lang sa lalawigang ito.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa M’lang PNP, isang unit ng YBL na may body number A-104 at may temporary plate number 1301-1245660, naghahatid-sundo ng frontliners na galing Kidapawan City, ang nasunog, alas-4:45 ng hapon noong Huwebes, Hunyo 3.

Kinilala ang mga biktimang sina Johny Roy Tadeo Ramil, 28-anyos, nakatira sa Poblacion B; Hazel Mallo Gallardo, 30-anyos, ng Purok 12, Poblacion B, kapwa sa bayan ng Mlang, at Arnold Patron 18-anyos, residente ng La Esperanza, Tulunan, Cotabato.

Habang nagpapagaling naman sa ospital ang limang nakaligtas sa sunog na sina Joseph Lubay, 35, ng Tupi, South, Cotabato; NorhanaGumbao, 32, ng Koronadal City; Jonah Jane Ramil, 28, ng Poblacion B, Mlang; Tessie Tabora Verdadero, 56, ng Buayan, Mlang; Diane Dancil, 28, ng Sangat, Mlang habang hindi naman nasaktan si Abdulhaq Rabpani Delna, 25-anyos, residente ng Barangay Malala, Datu Paglas, Maguindanao, dahil agad itong nakalabas mula sa nasusunog na bus.

Napag-alaman, sinadyang sunugin ang bus ng isa sa hindi kilalang mga pasahero sa pamamagitan ng pagsaboy ng gasolina at sinilaban ito.

Kaugnay nito, mariing kinondena ni M’lang Mayor Russel Abonado ang nangyaring pagsunog sa bus sa kanyang bayan.

Sinabi ng alkalde, nalulungkot ito dahil karamihan sa mga biktima ay taga-M’lang.

Kaugnay nito, magbibigay ng P100,000 reward money ang LGU sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek sa krimen.

Kabilang ang extortion sa mga motibong pinatututukan ng alkalde sa hepe ng M’Lang PNP dahil sa nakalipas na mga buwan ay pinasabugan ang isang bus ng YBL sa bayan ng Tulunan. (BONG PAULO)

226

Related posts

Leave a Comment